MUNTIK daw sunduin ni Lucifer este ni Kamatayan ang isang pamosong security official dahil na-alta presyon sa malaking eskandalong sumambulat sa mukha ng kanilang ahensya.
“Makulit kasi si Sir, ipinilit niya na iharap sa publiko ang dalawang babae kahit ayaw raw ng ibang kasamahan niya,” entradang kuwento ng Primera Chismosa sa EDSA.
“Ang inakala niyang accomplishment na bunga ng senaryong niluto nila ng may dalawang linggo, kahihiyan pala. Ibinisto kasi sila ng dalawang babae bilang mga may lahing mandurukot,” dagdag niya.
Habang nanonood daw sa social media live streaming ng kaganapan, hindi lang napasigaw ng malakas at napamura si Sir habang isinasalaysay ng dalawang babae kung paano sila naging biktima ng mga may lahing mandurukot.
“Biglang tumaas ang blood pressure ni Sir na animo’y nakikipagkarerahan sa taas ng lipad ng eroplano,” sabat ng isang miron.
Dinala raw sa ospital si Sir at ilang araw din nagpahinga sa takot na makalawit nang maaga ni Lucifer este ni Kamatayan.
CLUE:
Trying hard na maging “Darling of the Press” si Sir at mistulang may doctorate degree na sa paghahabi ng kasinungalingan at red-tagging.
Kapag trip niyang magpanggap na nagmamahal sa bayan, kinakanta niya ang mga linya ng awiting “Bayan Ko.”
“Ibon mang may layang lumipad
Kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal-dilag
Ang ‘di magnasang makaalpas.”
‘Yun na!