Sat. Nov 23rd, 2024

BIKTIMA kaya ng April Fools Day prank ng Malakanyang si Police Lieutenant General Emmanuel Peralta?

Ito ang biruan ng ilang pulis sa Camp Crame matapos tumagal lamang ng ilang oras ang appointment ni Peralta bilang officer-in-charge ng Philippine National Police kapalit nang nag-retirong si Gen. Benjamin Acorda Jr.

Sa kalatas ng Presidential Communications Office (PCO) na inilabas kahapon ng alas-dos ng hapon ay nakasaad na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Peralta bilang officer-in-charge ng PNP.

“President Ferdinand R. Marcos Jr. has designated Police Lieutenant General Emmanuel Baloloy Peralta as the officer-in-charge of the Philippine National Police (PNP) after General Benjamin Acorda ends his term today, Sunday,” ayon sa press release ng PCO na ipinaskil sa Facebook kahapon.

Laking gulat ng lahat ng kaninang umaga bago ang turnover ceremony sa Camp Crame ay inihayag ng PCO na si Police Major General Rommel Francisco Marbil ang kapalit ni Acorda.

“Police Major General Rommel Francisco Marbil as the 30th Chief of the Philippine National Police (PNP), replacing Police General Benjamin Acorda Jr. who ended his term with his retirement on March 31, 2024,” sab isa kalatas ng PCO ngayong araw.

Walang paliwanag ang Malakanyang sa mabilis na pagtanggal kay Peralta ngunit ayon sa ilang source, ang insidente ay indikasyon na may girian ang ilang matataas na opisyal ng Malakanyang sa paglalagay ng mga tao sa sensitibong posisyon.

May “humarang” umano  sa appointment ni Peralta para maging PNP chief.

Sina Acorda , Peralta at Marbil ay mula sa “Sambisig” Class of 1991 ng Philippine Military Academy (PMA).

Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Palasyo ukol sa usapin. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *