Fri. Nov 22nd, 2024
Ret. Marine Col. Ariel Querubin

NANINIWALA si retired Marine Col. Ariel Querubin na matutuldukan ang armadong tunggalian sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang pinuno ng bansa na may takot sa Diyos, nagpapatupad ng good governance, hindi lang sa salita kundi ipinakikita sa gawa.

Sa panayam sa The Boy Abunda Talk Channel kamakailan, sinabi ni Querubin na karamihan sa mga opisyal ng gobyerno ay idinadaan lamang sa propaganda ang pamumuno at hindi nakikita ito sa kanilang mga aksyon.

“Ang karamihan kasi sa kanila lip service, eh. Ang kailangan natin namumuno, unang-una may takot sa Diyos at sabihin na natin na “you walk the talk,” sabi niya.

Kailangan aniyang unahin repormahin ang mga sarili upang mawakasan ang ugat ng mga armadong tunggalian sa bansa gaya ng”corruption, social injustice, poverty, unemployment.”

Hangga’t umiiral aniya sa Pilipinas ang mga sakit ng lipunan, hindi matatapos ang insurgency.

Habang sa isyu ng West Philippine Sea, lalo na sa Ayungin Shoal, naninindigan si Querubin na sa distansya pa lamang ng layo nito mula sa Palawan na 185 kilometro kompara sa mahigit 1,000 kilometro mula sa China, ito’y sakop ng Pilipinas kaya’t dapat ipaglaban.

“Kung ang pag-usapan lang natin ay West Philippine Sea, atin ‘yan. ‘Yung Ayungin Shoal na sabi nila’y gusto nilang angkinin, 185 kilometers from the mainland Palawan. Sila (China) more than 1,000 kilometers away. So ang distansya lang ng Ayungin na 185 kms, para lang nag-travel ka from Manila to Lucena. Ganoon kalapit. Tapos sasabihin nila kanila ‘yan. Atin ‘yan,” wika ni Querubin.

Sa usapin ng charter change (Cha-cha), mas mainam aniyang gawin ito sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con) dahil ihahalal ang mga kinatawan ng bayan na magsasagawa ng amyenda sa 1987 Constitution.

“Constitutional Convention. ‘Yan talaga makikita mo pinag-aralan ng maayos, nandoon ‘yung sabi natin na representative ng taong bayan,” ani Querubin. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *