WALANG kulay politika ang tunay na pagsisilbi sa bayan.
Pinatunayan iyan ni dating Vice President Leni Robredo nang ihayag ang kahandaan niyang makipagtulungan sa administrasyong Marcos Jr. upang matugunan ang pangangailangan sa “free and accessible mental health services.”
Ito ang unang pagkakataon na dumalo at nagsalita si Robredo sa isang pagtitipon na inorganisa ng ahensya ng gobyerno mula matalo siya sa 2022 presidential elections ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati sa symposium na “Paglilinaw sa Alingawngaw: Breaking Stigmas in Mental Health through Research and Development” ng Department of Science and Technology’s (DOST), sinabi niya sa mga opisyal ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) na isang malaking karangalan na maimbita sa isang kolektibong pagsusumikap upang mabago ang landscape ng mental health sa Pilipinas.
Si Robredo ang pangulo ngayon ng Angat Pinas Inc. isang nongovernment organization (NGO) na may adbokasiyang palakasin ang mga pamayanan sa bansa upang tulungan ang marginalized sector sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng volunteers, partners at supporters.
Target ng Angat Pinas na buhayin ang E-Konsulta sa second quarter ng taong kasalukuyan.
Ang online consultation platform ay isa sa mga programa ni Robredo noong siya’y bise-presidente sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa dating vice president ang pinalawak na Bayanihan E-Konsulta mental health services ay isinasagawa sa pakikipagtulungan ng Circle of Hope, MLAC Institute For Psychosocial Services, Inc. at Henry Ford Health para sa “integration of zero suicide framework.”
“As the needs shift and evolve, we recognize that there is still much more to do. With limited resources and an approach that relies heavily on institutional treatment, so many people in the communities remain vulnerable,”sabi niya.
“Community-based experiences and intervention provide valuable opportunities to strengthen our understanding and resolve, whether it is about strengthening leadership or governance or designing mental health services that are accessible, affordable, and holistic,” ani Robredo. (ROSE NOVENARIO)