Thu. Nov 21st, 2024
📸: kodao.org

MISTULANG may “bionic eyes” ang mga kagawad ng 84th Infantry Battalion  ng Philippine Army (84th IBPA) sa katuwiran nilang  namukhaan at nakilala nila   ang 20 katao sa isang masukal na lugar habang nakikipagbakbakan noong Oktubre 2023 sa Laur, Nueva Ecija kaya natukoy na kasama sa nakasagupa nila ang apat na aktibista.

“It is an outright lie. It is incredible and can happen only in movies. But it is actually happening because we know that they are doing these cases against our leaders and activists,” ayon kay National Union of People’s Lawyers (NUPL) president Atty. Rey Cortez.

Si Cortez ang abogado nina Nathaniel Santiago, secretary general ng Bayan Muna at ng Makabayan Coalition; Rosario Brenda Gonzalez ng Assert Socio-economic Initiatives Network (ASCENT), isang development worker; Anasusa San Gabriel ng Bulacan Ecumenical Forum; at Servillano Luna, Jr., campaign director at dating secretary general ng Anakpawis.

Naghain ng counter affidavits ang apat na aktibista kahapon sa Bulwagan ng Katarungan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kaugnay sa isinampang kaso ng 84th IBPA laban sa kanila na paglabag sa RA 11479 o ang Anti-Terror Law (ATL) of 2020 at iba pang kasong kriminal.

Inakusahan ng militar si Santiago at iba pang respondents na kasama sa engkuwentro ng mga kagawad ng 84th IBPA at ng New People’s Army (NPA) noong 8 Oktubre 2023 sa Brgy. San Fernando, Laur, Nueva Ecija.

Nasawi sa insidente si Private First Class Sher Nelson B. Casayuran.

Ayon sa militar, ini-report umano ng mga residente ang presensya ng 10 NPA rebels sa kanilang lugar kaya’t agad silang naglunsad ng operasyon na nagresulta sa pakikipagbakbakan sa mga rebeldeng komunista.

Giit ng complainants, nakilala nila ang may 20 katao mula sa NPA, kabilang ang apat na respondents at mga aktibistang sina Lee Sudario at Norman Ortiz, kapwa idineklarang nawawala ng human rights groups at pinaniniwalaang dinukot ng militar.

Bilang pagkondena sa militar ay nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang cause-oriented groups sa harap ng Bulwagan ng Katarungan kasabay ng pagsusumite ng counter-affidavit ng mga akusado kahapon. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *