Thu. Nov 21st, 2024

NATANGGAP na ng may 145 retirees ang kanilang pinakahihintay at pinaghirapang retirement pay mula sa government-owned media corporation IBC-13 kahapon.

Sa kabila ng tuwa ng mga retiradong empleyado, nabigo silang personal na maidokumento ang “makasaysayang” pangyayari sa kanilang buhay dahil hindi sila pinahintulutang magdala ng cell phone sa loob ng IBC-13 compound.

“Pagpasok namin pinaiwan ang phone sa guard kaya wala kami pics. Although may official photog naman, kaso nasa kanila,” sabi ng isang retiree.

Inusisa rin daw ng guwardiya kung nakapirma na sa “quit claim” affidavit ang isang retiree bago papasukin, at no entry sa hindi pa nakalagda.

Matatandaang noong Enero 2024 ay pinapirma ng IBC-13 management ang retirees sa quit claim affidavit kahit wala pa sila ni singkong natatanggap na retirement pay kaya kinuwestiyon ng ilang retirado ang proseso sa Presidential Communications Office (PCO) at Department of Budget and Management (DBM).

Sa halip na sagutin, kung bahagi ba talaga ng proseso ng pagkuha ng retirement pay sa pamahalaan ang pagpirma muna sa quit claim affidavit bago mabayaran, “acknowledgement” lang ng liham ang sagot ng PCO at DBM, at ibinalik din ang isyu sa IBC-13 management.

“Nangangamba kasi kami na baka hindi na kami makasingil ng aming unpaid benefits at pati ang makukuha namin sa voluntary arbitration kapag may final decision na pabor sa amin,” ayon sa isa pang retiree.

Kabilang sa dumalo sa tinagurian ng PCO na “awarding ceremony” ay si Communications Secretary Cheloy Garafil, mga kinatawan ng DBM at Governance Commission for Government Owned and Controlled Corporations at IBC-13 president Jimmy Policarpio.

“The President gave the instruction to help resolve their claims as addressing the welfare of media workers is one of the cornerstones of his administration and of the PCO. So it is a great honor for me to be able to be part of this much-awaited and much-deserved awarding of benefits to our colleagues in the media,” sabi ni Garafil sa kanyang talumpati. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *