IBINASURA ng Ombudsman ang inihaing supplemental motion for reconsideration ni Lloyd Christopher Lao, dating executive director ng Procurement Service ng Department of Budget and Management hinggil sa reklamong graft na nag-ugat sa pagkakasangkot ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa maanomalyang COVID-19 test kits contract.
Sa 18-pahinang desisyong nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martirez, sinabi niya na malinaw na walang matibay at sapat na ebidensya si Lao para mapatunayan na hindi sya sangkot sa maanomalyang transaksyon.
Hindi kinampihan ng Ombudsman ang katwiran ni Lao na ang ibang kompanyang may mababang paid-up capital ay kayang makipagnegosyo sa gobyerno, gaya ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na may P625,000 lamang.
Binigyang-diin ni Lao ang Bayanihan Law na hindi nagpapataw ng anumang paghihigpit sa mga taon ng operasyon o minimum paid-up capital na kinakailangan para sa mga kompanyang maging karapat-dapat bilang legal bidders.
Bagama’t ayon sa karagdagang pagsusuri sa mga dokumentong isinagawa ng Ombudsman, napag-alaman na maaaring lumabag ang Pharmally sa Foreign Investment Act at Anti-Dummy Law.
Sinabi ng Ombudsman na ang mga mapagkukunang pinansyal ng Pharmally ay nagmula sa mga hindi karaniwan nitong pakikitungo sa PS-DBM.
Batay sa financial record nito, nagkaroon ng panahon na walang aktibidad sa mga operasyon ng negosyo ng PS-DBM mula Setyembre hanggang Disyembre 2019, bago ang mga transaksyon na naganap noong 2020.
Noong Disyembre 31, 2019, nagkaroon ng pagkalugi ang Pharmally na halagang P25,550.00.
Sa taong 2020, sa gitna ng kontrobersya sa hindi regular na pagbibigay ng mga kontrata ng PS-DBM sa Pharmally, nakamit ng korporasyon ang isang kapuri-puri na net taxable income na P318,337,099.00, na may idineklarang net sales o maayos na kita na nagkakahalaga ng P7,485,401,046.00.
Binanggit pa ng Ombudsman ang dalawang pangunahing indibidwal na may kaugnayan sa Pharmally na pinasasampahan na sina Lin Weixiong, isang Chinese national na naglilingkod sa board of directors, at Webster Laureñana. (ZIA LUNA)