Fri. Nov 22nd, 2024

 

TINATAWAG na “putok sa buho” ng mga Pinoy ang isang taong hindi alam o malabo ang pinagmulan.

Nawindang ang publiko sa mga kuwestiyonable o nakalilitong mga sagot ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Senado tungkol sa kanyang pagkatao.

Batay sa mga dokumento, ang alkalde ang may-ari ng Hongsheng (Gaming Technology Inc.), isang Philippine offshore gaming operation (POGO) hub sa Bamban, na sinalakay ng mga awtoridad bago siya naging alkalde ng bayan.

Ipinakita ni Senator Sherwin Gatchalian sa pagdinig ang kopya ng isang Sangguniang Bayan Resolution na may petsang Setyembre 2020 na nagsaad ng pagpayag ng koonseho sa application ni Guo, na noo’y pribadong mamamayan pa, para sa license to operate ng Hongsheng.

Noong Pebrero 2023 ay sinalakay ng mga awtoridad ang Hongsheng at ang naturang compound ay dating ginamit ng Zun Yuan Technology Inc., ang kompanyang ni-raid din sa Baofu compound noong nakalipas na Marso.

Hindi ma-establish ang tunay na nationality at personal background ni Guo nang gisahin siya ni Sen. Risa Hontiveros.

Kabilang sa mga malabo o hindi masagot ng maayos ni Guo ay kung bakit 17-anyos na siya nagkaroon ng birth certificate at wala siyang hospital record sa kanyang pagsilang

Wala rin school record na maipakita ang alkalde. Maging ang nationality ng kanyang tatay ay kuwestiyonable rin.

Kung totoo ang hinala na espiya ng China sa Pilipinas si Guo, kursunada kaya niyang mahanay sa mga sikat na babaeng maniniktik sa kasaysayan ng mundo na nagbuwis ng kanilang buhay upang magtipon at magpasa ng intelligence information?

Si Mata Hari, isang exotic dancer na ipinanganak sa Netherlands, ay tinaguriang “one of the most famous female spies of all time during World War I.”

Nagpanggap siya bilang isang Javanese princess at mabilis na naging mistress ng millionaire industrialist na si Émile Étienne Guimet.

Ang ahensya ng paniktik ng Pranses na Deuxième Bureau ay nag-recruit sa kanya upang mag-espiya para sa France, na hiniling sa kanya na akitin si Crown Prince Wilhelm (anak ng Kaiser) upang mangalap ng impormasyon.

Gayunpaman, ang mga komunikasyon na naharang mula sa Berlin ay nagsiwalat na siya ay isang double-agent na nag-espiya din para sa mga German.

Sa kabila ng kakaunting ebidensya, inakusahan siya na naging sanhi ng pagkamatay ng libu-libong sundalong Pranses at pinatay sa firing squad noong Oktubre 1917.

Si Noor Inayat Khan, descendant ng Indian royalty, ay isang British Special Operations Executive agent noong World War II.

Fluent siya sa wikang French at nagtrabaho bilang operator ng radyo sa France na sinakop ng Nazi.

Si Noor ay malakas ang paniniwala sa pakikibaka ni Gandhi para sa pagwawakas sa kolonyalismo

Sa kabila ng dinanas na matinding torture, nanatili siyang matatag hanggang sa kanyang malagim na pagbitay.

Ipinagkaloob posthumously kay Khan ang  ‘George Cross’ para sa kanyang pambihirang katapangan.

Ang mga babaeng ito ay lumabag sa mga pamantayan ng lipunan at itinaya ang lahat para sa kanilang mga layunin, na nag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa kasaysayan, kaya ba ito ni Guo?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *