‘PUMUTOK’ noong nakaraang linggo ang umano’y destabilization plot laban sa administrasyong Marcos Jr. na may layunin na iluklok sa Malakanyang si Vice President Sara Duterte.
Ano nga ba ang destabilization plot?
Ito ay tumutukoy sa isang pinagsama-samang pagsisikap na pahinain o ibagsak ang isang umiiral na pamahalaan o sistema.
Ang ganitong mga plot ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang anyo, at ang kanilang pag-iral ay maaaring totoo o gunigunihin, depende sa konteksto.
May limang salik o sangkap ang destab plot para maging matagumpay: Pagsasabwatan at Koordinasyon (Conspiracy and Coordination), Propaganda at Disinformation, Public Demonstrations and Protests, Timing and Political Context, at External Support.
Upang umusad ang isang destab plot, ang pagpopondo, pagsasanay, at estratehikong gabay ay maaaring magmula sa mga panlabas na mapagkukunan.
Dito papasok ang “External Support,” na kinabibilangan ng mga negosyante, dayuhang pamahalaan, organisasyon, o ahensya ng paniktik (intelligence agencies).
Sa kasaysayan ng Pilipinas, dalawang destab plot ang nagtagumpay, ang EDSA People Power Revolution na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos Sr. at EDSA People Power 2 Revolution 2 na nagpabagsak kay Joseph Estrada.
Parehong nag-ugat sa isyu ng korapsyon ang dalawang pag-aaklas ng mga Pinoy at umano’y sinusugan ng pamahalaang US.
Kahit ilang beses niyugyog ng kudeta ang pamahalaan ni Gng. Cory Aquino, hindi nagtagumpay dahil walang ayuda ng isang dayuhang pamahalaan at malalaking negosyante, sinequester na kasi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang mga negosyo at ari-arian ng mga crony ni Marcos Sr.
Habang ang pagbagsak ni Estrada, bagama’t may imaheng maka-masa, ay tumuntong sa isyu ng korapsyon at pagmamalabis ng malalapit sa kanya.
Kabilang sa naging basehan ng Sandiganbayan nang hatulang guilty si Estrada sa kasong pandarambong (plunder) ay ang bank deposits niyang P542.7 milyon kasama ang P200-M sa ilalim ng Erap Muslim Youth Foundation na galing sa jueteng kickback na nakadeposito sa Equitable-PCI Bank, at ang P182.76-M komisyon niya mula sa pagbili ng Belle Corporation Shares ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na inilagak sa kanyang Jose Velarde account.
Natuklasan ng Sandiganbayan na ang pitong tseke na nagkakahalaga ng P182.76-M ay nagmula sa Urban Bank account ng kanyang anak na si Sen. JV Ejercito kaya’t nakombinse ang anti-graft court na si Estrada ang tunay na may-ari ng Jose Velarde Account at hindi ang crony niyang si Jose Dichaves.
Sa testimonya sa Sandiganbayan ni Carlos Arellano, kababata ni Erap na itinalaga niyang SSS president at chairman noong 1998, sinabi niya na inutusan siya ni Erap noong Oktubre 1999 na ipambili ng Belle Corp. stocks ang P900-M pondo ng SSS.
Habang ikinanta rin sa anti-graft court ni Federico Pascual, GSIS president, noong 1999 na bumili ng Belle stocks gamit ang P1.1-B pondo ng GSIS.
Kahit pinagkalooban ng pardon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Estrada, hindi kasama rito ang obligasyon ni Estrada na ibalik sa kaban ng bayan ang mga kinulimbat niyang pera, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa niya lubos na naisasauli.
Malinaw sa dalawang EDSA People Power Revolution na may mga naapektuhan ang negosyo at may nakinabang rin naman.
Ang pagkakaiba ng mga ito sa umano’y niraratsadang destab plot sa kasalukuyan ng kampo ni Duterte ay hayagan ang pagkakasangkot ng China dahil ‘alipores’ nila si Rodrigo Duterte.
Nasaktan ng husto ang China sa pagkawala sa poder ni Duterte at naunsyami ang unti-unti sana nilang pagkamkam sa West Philippine Sea.
Maliban sa pagiging “tuta” ng China, mantsado rin ng korapsyon ang ilang alipores ng Duterte admin at may mga negosyante rin na nakinabang ng husto sa kanila ay luhaan na sa kasalukuyan.
Nariyan pa ang nakaambang paglabas ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte sa kasong crimes against humanity bunsod ng madugo niyang drug war.
Sa kabila nito’y, walang dudang may external support ang kanilang “destab plot” kaya hindi dapat maliitin ito ng gobyernong Marcos Jr.
Hindi malayong may mga negosyanteng kaalyado nila ang umaasang makababalik sa poder si Duterte kaya tumataya sila sa destab plot.
Puwede rin na kabilang sila sa nagpopondo ng mga propaganda laban kay Marcos Jr at kanyang mga alipores.
Asahan na ang pag-igting ng bangayang Marcos kontra Duterte, proxy war ng US kontra China, hanggang sa Oktubre 2024 o sa filing ng certificate of candidacy para sa 2025 midterm elections.
Sa panahong iyan malalaman natin kung sino ang matitira sa labanan.