Sen. Francis Tolentino
HINILING ni Sen. Francis Tolentino sa Senate Committee on National Defense na imbestigahan ang umano’y wiretapping ng Chinese Embassy sa Maynila sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command.
Sa inihaing Senate Resolution No.1023 ni Tolentino, chairperson ng Senate special committee on maritime and admiralty zones, binigyang-diin niya na labag sa batas, para sa sinumang indibidwal na hindi awtorisado, ang palihim na i-record ang anumang komunikasyon.
Ito ay matapos magbanta ang China noong Mayo 7 na ilalabas ang “transcript at audio recording” ng isang umano’y phone conversation sa pagitan ng mga opisyal ng China at ni Armed Forces of the Philippines Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos kaugnay sa “new model” sa paghawak ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Tinalakay umano sa recording ang “new model” ng pagpapatrolya sa West Philippine Sea, na sinasabing pinahintulutan ng mga top officials ng Department of National Defense (DND) at AFP, kabilang sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., National Security Adviser Eduardo Año, at AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner.
Dahil dito, nananawagan si Tolentino sa mga awtoridad na bumuo ng mga hakbang upang matukoy ang lawak ng panghihimasok ng China sa ating mga kritikal na imprastraktura na maaaring makasira sa ating pambansang seguridad.
Aniya, ang pagsisiyasat ng Senado sa umano’y wiretapping ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa AFP-WESCOM ng Committee on National Defense ay target na repasuhin ang RA No. 4200 gayundin ang mga patakaran at protocol ng mga opisyal ng gobyerno habang nakikipag-deal sa foreign officials.
Ngunit sa huli sinabi ni Tolentino na sinoman ang mapatunayan na sangkot sa wiretapping sa mga opisyal at kawani ng embahada ng China ay hindi maaring patawan ng parusang pagkakulong kundi tanging pagpapatalsik lamang mula sa ating bansa pabalik sa kanilang bansa at ang pagbabawas ng bilang ng kanilang mga empleyado.
Kapag napatunayan naman sa pagsisiyasat na may naganap na wiretapping, maaaring igiit ng Pilipinas ang umiiral na anti-wiretapping law, at maaaring ikonsiderang pag-eespiya ng China ang insidente. (NINO ACLAN)