Fri. Nov 22nd, 2024

SANAY sa dehadong laban si dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV kaya kakayod siya ng todo upang mabigyan ng magandang laban ang naghaharing Malapitan political dynasty sa Caloocan City.

‘Hindi naman tayo magkokompiyansa. Talagang kakayod tayo nang kakayod. Political dynasty ang kalaban natin pero sanay naman tayo sa mga dehadong laban. We will just give our best,” sabi ni Trillanes sa panayam sa PressOne.ph  kagabi.

Ano nga ba ang bago at kakaibang maiaalok niya sa mga taga-Caloocan bilang naghahangad na maging susunod na alkalde ng siyudad?

“Hindi tayo mangungurakot. Sabi ko nga eh, ang daming pondo kundi lang ilalagay kung saan, maraming mapapakinabangan na serbisyo ang constituents kaso hindi po ganun ang nangyari since time immemorial, especially in Caloocan,” tugon niya.

Kabilang sa mga isyu na gustong tutukan ni Trillanes kapag naluklok sa Caloocan City Hall sa 2025 ay healthcare, pabahay, pag-aayos ng mga sirang kalye at sistematikong pangongolekta ng basura.

Batay aniya sa datos, ang Caloocan ang may pinakamalaking bilang ng mga maralitang taga-lungsod (urban poor) sa Metro Manila at maging sa buong Pilipinas.

Nais din niyang lumikha ng mga oportunidad para magkaroon ng trabaho ang mga unemployed upang bumaba ang crime rate sa lungsod  dahil naniniwala siya na ang kahirapan ang ugat ng kriminalidad.

Masyadong atrasado na aniya ang natatanggap na serbisyo ng mga taga-Caloocan kompara sa natatamasa sa ibang lungsod sa Metro Manila gaya ng Valenzuela, Quezon City,at Pasig.

Bagama’t ang Caloocan ang naitalang may pinakamataas na bilang ng patayan  o extrajudicial killings bunsod ng madugong drug war na ipinatupad ng rehimeng Duterte, ikinatuwa ni Trillanes na “mulat” na ngayon ang mga residente dahil malaking bilang ng mga residente ang gustong panagutin ang dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity.

“May pinakamarami ang naging biktima ng EJKs diyan din sa Caloocan. Most celebrated yan kay Kian delos Santos,” anang aspiring city mayor.

“Ngayon marami na, ang kagandahan nito, marami na ang namulat. Dati Duterte country yan kahit maraming namatay pero lumabnaw na. At doon sa aming survey, sa Caloocan may pinakamababang hindi sang-ayon sa pag-aresto kay Duterte. Mas marami ang sang-ayon na maaresto siya kaya magandang pangitain.”

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *