KANSELADO ang pinakaaabangang Pride March na idinaraos tuwing buwan ng Hunyo taun-taon bilang pagdiriwang ng Pride Month.
Inianunsyo ito ng grupong Metro Manila Pride, isang non-profit organization, sa paskil sa X (dating Twitter) na walang tinuran na dahilan.
Sa kabila nito’y pangungunahan ng grupo ang iba’t ibang pagkilos at pagtitipon para sa selebrasyon ng Pride Month.
“Hindi man magdaraos ng sariling march and festival ang Metro Manila Pride ngayong taon, tuloy pa rin ang ating pagkilos at pagsulong para sa karapatan at kulayaan! Kahit saan ang laban, lahat magkakasama! RESBAK NA!” ayon sa Metro Manila Pride.
“Ngayong Pride Month, tayo ay RERESBAK NA para sa ating karapatan at kulayaan! Kaisa ang Metro Manila Pride pati ang mga katuwang nitong organisasyon at grupo sa pag-RESBAK sa mga komunidad na nangangailangan ng kasangga,” sabi ng grupo
“Bawat linggo ay may pagtitipon sa iba’t ibang parte ng Maynila para mas marinig ang kolektibong panawagan ng inklusibo ay pantay na mga espasyo at polisiya para sa komunidad. Kahit saan ang laban, lahat magkakasama. RESBAK NA! Happy Pride Month, mga mahal!”
Kaugnay nito, matutuloy ang Quezon City Pride March sa Hunyo 22 sa Quezon Memorial Circle.
Magugunitang, nagsimula ang pagdiriwang ng Pride Month bunsod ng naganap na Stonewall Uprising noong 28 Hunyo 1969 sa New York City nang salakayin ng New York City police ang Stonewall Inn, isang gay club sa Greenwich Village sa New York City.
Ang raid ang naging mitsa ng riot ng bar patrons at mga residente sa pamayanan sanhi ng marahas na pagtrato ng mga pulis sa mga empleyado at parokyano ng bar na nagbigay daan sa anim na araw na protesta at bayolenteng sagupaan ng mga awtoridad sa labas ng bar sa Christopher Street, sa kalapit na mga kalye at sa Christopher Park.
Ang Stonewall Riots ang nagsilbing hudyat sa paglakas at pagkilala sa gay rights movement sa Amerika at sa buong mundo.
Idineklara noong 2016 ni noo’y US President Barack Obama ang Stonewall Inn, Christopher Park at ang mga kalapit na kalye at bangketa bilang isang national monument bilang pagkikila sa kontribusyon ng area sa gay rights. (ROSE NOVENARIO)