Gaano katotoo na nasa tatlong linggong bakasyon sa Amerika si PCSO general manager Mel Robles?
Kasabay ng kanyang pansamantalang pagkawala sa PCSO ay pinahinto na simula sa Hulyo 13 ang kontrobersyal na e-Lotto na sinimulan sa panahon ng kanyang panunungkulan sa ahensya.
Nahaharap si Robles sa mga kaso sa Ombudsman bunsod ng mga kuwestiyon sa e-Lotto gaya ng Test Run, bidding, at awarding sa sole bidder.
Noong nakaraang linggo ay hinagupit ng kalupitan ni Robles ang presidente ng Philippine Online Lotto Agents Association Inc (POLAAi) na si Evelyn Javier nang ipatanggal niya ang lotto outlet nito dahil lamang sa paglahok sa prayer rally sa harap ng PCSO.
Idinaan ng mga miyembro ng POLAAi sa prayer rally ang panawagan na ibalik ni Robles ang 2,000 lotto outlets na inalis niya.
Ang pinakahuling “dagok” sa karera ni Robles ay ang inihaing House Resolution No. 1792 ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ngayon, Hulyo 8, na nag-aatas sa Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang pinaggagawa ni robles gaya ng “arbitrary termination” ng agency agreement bilang lotto agent at pag-block sa lotto terminal ni Javier.
Mukhang lumiliit na ang mundo ni Robles at kung pagbabatayan ang ginawang pagsibak ni Marcos Jr. sa ilan niyang appointees, aba’y malaking palaisipan kung makababalik pa siya bilang GM ng PCSO.