Fri. Nov 22nd, 2024

đź“·Suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo

NAIS na ni Senadora Rosa Hontiveros, Chairperson ng Senate Committee on  Women, Children, Family Relations and Gender Equality  na ipaaresto si suspended Bamban Mayor Alice Guo dahil sa patuloy na pag-isnab  sa imbestigasyon ng Senado ukol sa kontrobersyal na pagkakaugnay niya sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) at kuwestiyon sa kanyang pagkatao.

Ayon kay Hontiveros susulat na siya sa tanggapan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero upang magpalabas ng warrant of arrest laban kay Guo.

Bukod kay Guo ay cited for contempt din sina sina Nancy Gamo, Dennis Cunanan, Wenyi Lin, Seimen L. Guo, Jian Zhong L. Guo, Sheila L. Guo at Wesley L. Guo na hindi rin sinipot ang pagdinig ng komite ni Hontiveros.

Hindi kasi umubra sa pinuno ng komite at mga miyembrong senador ang katwiran ng kampo ni Guo na kaya hindi siya nakakadalo sa pagdinig ay dahil sa estado ng kanyang mental health.

Maliban sa pag-aresto ay padadalhan din ng subpoena ng komite sina Jaielyn S. Cruz, Roderick Paul B. Pujante, Juan Miguel Alpas, Katherine Cassandra Ong, Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna, Jonatan Mendoza, Ronelyn B. Baterna, Michael Bryce B. Mascarenas, Stephanie B. Mascarenas, Rodrigo A. Banda, Jing Gu, Xiang Tan, Daniel Salcedo, Jr., Chona A. Alejandre at Duanren Wu.

Sinabi ni Hontiveros ipapatawag din niya si dating Presidential Spokesperson Harry  Roque upang magpaliwanag matapos masangkot ang kanyang pangalan na may kaugnayan sa POGO companies.

Nais din busisiin ni Hontiveros ang pagkakaroon ng kaugnayan ng Pharmally group ukol sa mga POGO operation lalo na’t nabanggit ang pangalan ni Michael Yang na nauna nang nasangkot sa kontrobersya.

Aminado si Hontiveros na kailangan muna nilang mabusisi ng husto bago pa man tuluyang maiugnay ang pangalan  ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng POGO.  (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *