Nahaharap sa napakatinding krisis ang bansang Pilipinas . Bagsak ang kabuhayan, hikahos ang mamamayan, kinakaladkad sa digmaan ng mga imperyalista, nilulustay ang kabang yaman, inaapakan ang ating mga karapatan.
Sa gitna ng krisis ay nagbabangayan ang mga paksyon ng naghaharing uri na tila ba walang pakialamsa dinaranas ng mamamayan. Kung tutuusin ang pare-pareho lang ang mga Marcos at Duterte, pansariling interes lamang ang habol. Wala silang malasakit sa ordinaryong tao na nagdurusa sa araw-araw. Ang nais nila ay manatili sa puwesto habambuhay.
Mga kababayan, nasa sangandaan ang Pilipinas – tutuloy ba tayo landas ng kapahamakan o tatahakin ba natin ang daan tungo sa pagbabagong panlipunan?
Para sa Makabayan, mahalaga ang magiging labanan sa darating na halalan sa 2025. Guhitan ito sa pagitan ng bulok na pulitika iilan at pulitika ng pagbabago. Linyahan ito ng pagsulong ng kapakanan ng bayan, o patuloy na pagkalugmok sa kumunoy ng kawalang pag-asa. Sawang-sawa na ang taongbayan sa awayan ng mga pulitikong pansariling interes lamang ang isinusulong. Sukang-suka na ang taongbayan sa paulit-ulit na panloloko ng mga naghahari-harian sa bansa. Kada eleksyon na lamang ay pangakong napapako at ibayong pagkalugmok sa krisis ang hatid nila sa taongbayan.
Wala na bang ibang maaaring kumatawan sa interes ng ordinaryong mamamayang Pilipino? Sila-sila na naman? Sagot naming, nandito po ang Makabayan, handing katawanin at ipaglaban ang interes ng nakararaming inaapi. Hindi aatrasan ng Makabayan ang hamon ng kasalukuyan,
Sa panahong kailangang kailangan ng mamamayan ang tunay na Oposisyon na maghahain ng tunay na alternatibo tungo sa pagbabago, handa kami na humarap sa bayan para tanganan ang papel na ito. Ang Oposisyon ng bayan na kailangan ngayon ay hindi lamang sa usapin ng pagtunggali sa nakaupong adminsitrasyon kundi oposisyon sa umiiral na sistemang pinaghaharian ng at pinakikinabangan ng iilang dinastiyang pulitikal, malalaking negosyante, panginoong maylupa at mga imperyalista.
Sa mahalagang labanan sa halalang 2025, nakahanda po ang Makabayan na magpatakbo ng hindi lamang isa, o dalawang senador kundi buong slate ng mga maka bayan at progresibong kandidato na magtataguyod ng komprehensibong programang pambansa- demokratiko na tutugon sa hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pag-unlad para sa nakararami, respeto sa karapatan, at ganap na pambansang soberanya. Nagsimula na kami ng proseso ng pagbubuo ng slate at masasabing marami ang kinukunsidera para sa pagtakbo.
Hindi sila mula sa angkan ng mga mayayaman o mga dinastiya sa pulitika. Hindi kurap, hindi tagapagtanggol ng interes ng iilan. Maipagmamalaki namin na mula sila sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mangingisda, katutubo at ibang sektor na matagal nang tinatanggalan ng boses sa kongreso. Higit pa sa usapin ng pera at rekurso, ang Makabayan at mga kandidato nito ay may taglay na di matitinag na prinsipyo, di matatawarang track record at mala as na suporta ng masang matagal nang nag-aasam ng pagbabago. Handa kaming makipagtulungan sa mga indibidwal na kandidatong nakikiisa sa mga isyu ng reporma sa lupa dagdag sahod, pambansang industriyalisasyon, pagtaguyod ng pambansang soberanya, pagdepensa sa karapatang pantao, paglaban sa kurapsyon at pagsusulong ng usapang pangkapayapaan.
Sa darating na halalan, taos-puso naming iniaalay sa mamamayang Pilipino ang Makabayan, Oposisyon ng bayan, tagapagsulong ng bagong pulitika, at tagapagtaguyod ng plataporma ng tunay na pagbabago. Taong-bayan naman. Sulong, Makabayan! ###