Fri. Nov 22nd, 2024

Idinaan sa mga art card ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang paliwanag kung bakit ” Sa Bagong Pilipinas, Pilipino Lalong Naghihirap” at ipinaskil sa kanilang social media page.

Kabilang sa mga isyung itinampok ng Bayan, sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” ng administrasyong Marcos Jr. ay walang nakabubuhay na sahod at walang libreng serbisyong panlipunan bagkus ang ginagawa ay pinaaawit at pinabibigkas ang “Bagong Pilipinas,” bongga ang mga biyahe sa abroad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, iginiit ang pagbuo ng Maharlika Confidential funds at isinusulong ang Charter change (Cha-cha).

Sa ilalim din anila ng “Bagong Pilipinas” ay pinararami ang base militar ng US sa prenteng depensa raw ito sa West Philippine Sea ngunit ang totoo, nais ng US na ipambala ang Pilipinas sa giyera nito sa China.

Nabuwag na anila ang UniTeam ng mga “mandarambong at pasista” at higit na pumihit papalapit sa US si Marcos Jr. habang ang mga Duterte naman ay malapit sa China.

Giit ng Bayan, wala naman talagang pagkakaiba ang mga Marcos at Duterte, pareho silang “bulok na dinastiya, mga tamad at palpak na pangulo, patron ng mga ganid na kroni at sagad-sagaring tuta ng mga dayuhan.”

Sa ilalim pa rin anila ng “Bagong Pilipinas” ay patuloy ang drug-related killings, red-tagging, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), pagharang sa International Criminal Court (ICC), pagdukot at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista, walang tigil ang pagbobomba sa kanayunan, at walang pag-usad sa usapang pangkapayapaan.

“Sa sobrang kabulukan ng sistema ay tila pinapipili na lang ang mamamayan sa pagitan ng dalawang despotikong pamilyang subok na sa pagnanakaw at pagpapahirap sa bayan.”

Binigyan diin ng Bayan na wala sa pagkampi kay Marcos o Duterte ang landas ng pagbabago dahil ang isinusulong nila ay pawang makasariling interes ng kanilang pamilya at hindi kapakanan ng karaniwang tao.

Kailangan anilang managot sila Marcos at Duterte sa pag-abuso sa kapangyarihan at pagiging sunud-sunuran sa dikta ng mga dayuhan.

“Dapat ikulong si Duterte para sa mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao. Papanagutin si Marcos Jr. para sa mga patakarang kontra sa interes ng mahihirap na mga Pilipino.”

Kaya ang panawagan ng Bayan sa publiko, kalampagin ang gobyerno sa mga isyu ng lupa, dagdag sahod, nagtataasang presyo, kawalan ng serbisyo, hustisya at karapatang pantao, banta ng imperyalistang giyera at talamak na kurapsyon.

Nakatakdang maglunsad ng kilos-protesta ang Bayan, kasama ng iba pang organisasyon, sa 22 Hulyo 2022 para ilahad ang tunay na State of the Nation Address ng Pilipinas. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *