HINDI makatuwiran at hindi makatarungan ang hakbang ng administrasyong Marcos Jr. na ilipat ang P89.9 bilyong sobrang pondo mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para tustusan ang mga hindi nakaprogramang plano, kabilang ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund.
“This blatant raid on PhilHealth funds is not only unreasonable but also unjust, especially at a time when our people are struggling with expensive and inaccessible health services amidst a worsening health crisis,” pahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
Binigyang-diin ng mambabatas na sa halip na ilihis ang mga pondong ito, dapat unahin ng gobyerno ang pagpapalakas ng public health system.
“We demand that these funds be directly allocated to public hospitals and health facilities. This will eliminate bureaucratic and administrative costs while removing the temptation of centralized funds that have repeatedly fallen prey to corruption,” giit ni Castro.
Nanawagan rin ang teacher-solon ng pananagutan sa harap ng mga matagal nang isyu sa loob ng PhilHealth.
Nakakabahala aniya na ang PhilHealth ay nakaipon ng napakalaking surplus habang ang mga Pilipino ay patuloy na binabalikat ang mataas na out-of-pocket na gastusin sa kalusugan kaya’t nangangailangan ito ng masusing pagsisiyasat.
Binigyang-diin ng kinatawan ng ACT Teachers ang malaking kaibahan ng badyet ng PhilHealth at ng mga pampublikong ospital.
Ipinaliwanag niya na noong 2023, ang alokasyon ng badyet ng PhilHealth na P100 bilyon ay higit na lumampas sa P65.5 bilyon na kabuuang budget allotment para sa lahat ng pampublikong ospital at pasilidad ng DOH sa Metro Manila at mga rehiyon.
Ang pagkakaibang ito aniya ay nagtulak sa mga pampublikong ospital na maningil ng mga bayarin para sa mga serbisyo, na lalong nagpapabigat sa mga pasyente sa pananalapi.
Panawagan niya sa Marcos Jr, muling isaalang-alang ang desisyong ito at sa halip ay tumuon sa pagpapabuti ng sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng publiko.
Ang sapat na pondo, ayon kay Castro, ay dapat ilaan sa mga programa sa pampublikong kalusugan, regular na trabaho para sa mga manggagawang pangkalusugan, at pagpapahusay sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan na pinondohan ng estado. (ROSE NOVENARIO)