Sat. Nov 23rd, 2024

NANAWAGAN  si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro sa mga awtoridad sa Amerika na paimbestigahan ang mga  nasa likod ng fake video na ipinalabas sa Maisug rally sa California na nagpakita ng umano’y paggamit ng illegal na droga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Kitang-kita po sa video na hindi po iyan ang ating pangulo. Peke po ang ginawa nila na video at obvious po na ito’y gawa-gawa lamang,” sabi ni Teodoro sa isang video message na ipinaskil sa Facebook page ng Department of National Defense (DND) .

Malinaw na talaga aniya na may matindi plano ng destabilisasyon laban sa gobyerno.

“Ngayon ay malinaw na talaga na may matinding plano na i-destabilize po ang ating gobyerno. Nag-umpisa po ito sa mga fake na news tungkol sa Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense. Tapos nag-progreso po ito sa umano’y walkout na hindi naman nangyari. Pagkatapos po, ngayon curiously po ay araw ng SONA naglabas po sila ng pekeng video at sa Amerika pa,” ayon kay Teodoro.

“Bakit po sa Amerika? Iyan po siguro ay parte ng plano nila upang sila po ay hindi ma-subject sa jurisdiction ng Philippine authorities kaya sa ganun pong pangyayari, kami po ay nananawagan sa authorities po ng Estados Unidos na paimbestigahan po ang insidenteng ito upang ang mga malisyosong nasa likod nito ay maharap sa hustisya,” paliwanag ng Defense secretary.

Tiniyak ni Teodoro na solido ang DND at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa likod ng liderato ni Marcos Jr., sa constitutional chain of command at sa Saligang Batas.

“Kami ay naninindigan na kami ay solido sa likod ng liderato ng ating pangulo President Ferdinand Romualdez Marcos Jr. , ang constitutional chain of command at ang Saligang Batas.”

“Itong mga isip-batang mga attempt na mapahina ang ating Saligang Batas, mga insitutsyon ay mariin po naming tututulan at lalabanan . Kami po ay makikipag-ugnayan at makikipagtulungan sa lahat ng ahensya ng gobyerno upang masugpo itong mga nasa likod nitong hindi kanais-nais at karumal-dumal na plot na ito o mga gawain na ito at kung ito ay may kaugnayan sa mga iba’t ibang mga puwersa na hindi kanais-nais . Susugpuin po natin ito,” wika ni Teodoro

“Hindi pupuwede na magwatak-watak ang ating republika sa mga suwapang na pamamaraan at makasariling paraan na ito. Kami po ay nananawagan sa ating mga kababayan na manindigan sa likod ng inyong republika, sa likod ng inyong Saligang Batas, sa likod ng soberenya, sa likod po ng territorial integrity ng Republika ng Pilipinas na pilit na winawasak at pinaghihiwa-hiwalay nitong mga makasarili at mga karumaldumal na mga taong ito,” giit niya.

“Kondenahin po natin sila at kami naman po ay gagawin po ang lahat upang masugpo ito.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *