NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga reklamong pagpatay na inihain sa Masbate City laban sa mga manggagawa ng media na sina Ramesis Sison, Jay Legazpi Alfaro, at Benjamin Gigante ng Masbate Quad Media Society (MQMS), Inc., pati na rin kina LGU-Cawayan Information Officer Fel Monares at Pio V. Corpus, Information Officer.
Isinampa sa korte ang mga reklamong ito nang hindi dumaan sa preliminary investigation na pagkakait sa mga respondent ng angkop na proseso, ayon sa kalatas ng NUJP.
“It is troubling that complaints are often sent directly to court without preliminary investigation, which we have observed frequently in harassment suits against media workers. In some cases, respondents are unaware of complaints until arrest warrants are issued,” giit ng NUJP.
Kinokondena rin ng NUJP ang maling pag-label sa mga respondent bilang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) gayong kilala sila sa kanilang mga komunidad bilang mga mamamahayag at ang iba’y mga empleyado ng lokal na pamahalaan.
Bnigyan diin ng NUJP na ang ganitong pagbansag ay isang karaniwang taktika na ginagamit upang siraan at ilagay sa panganib ang mga indibidwal.
Nababahala ang grupo na ang mga kasong ito ay maaaring isang pagbuwelta sa mga reklamong graft na inihain ng mga respondent laban sa pamahalaang panlalawigan.
“The appropriate way for officials to address corruption allegations is by confronting them directly and enhancing public access to government information, rather than targeting journalists with legal actions,” wika ng NUJP.
Matatandaan nagsampa ang MQMS ng 11 kaso ng plunder at malversation laban kayMasbate Governor Antonio Kho, at kanyang mga tauhan noong 25 Marso 2024.
Anang MQMS, si Kho at iba pa ay may sala umano sa maanomalyang road projects na nagkakahalaga ng P234.6 milyon na nabistong “non-existent.”
Tatlo pang kaso ng plunder ang isinampa ngayong buwan ng Hulyo laban sa indibidwal bunsod ng umano ‘y mga katiwalian sa mga lokal na proyekto ng Masbate.
Binawi ni RTC 5th Judicial Region, Branch 49, acting Judge Teofilo Tambago noong Huwebes ang warrant of arrest na naunang inilabas ng hukuman makaraan lagdaan ni Provincial Prosecutor Jeremias Mapula ang pagsasampa sa hukuman noong Hulyo 2 laban sa limang mamamahayag sa bintang ng pagpatay sa isang Virgil Arriesgado noong 12 Agosto 2022 sa Brgy. Guindawahan, Pio V. Corpus, Masbate. (ROSE NOVENARIO)