IBINASURA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules, Agosto 7, ang panukala ng mga senador na suspendihin ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program dahil nakasunod na ang mayorya ng PUVs sa buong bansa sa consolidation requirement.
“Well, I disagree with them because sinasabi nila minadali. This has been postponed seven times. The modernization has been postponed seven times,” sabi ni Marcos Jr. sa isang media interview sa Pampanga.
“Eighty percent have already consolidated. So, papaano naman? Iyong twenty percent ang magde-decide ‘yung buhay ng 100 percent. Pakinggan natin ‘yung majority at ang majority, sinasabi ituloy natin. So, that’s what we will do,” dagdag niya.
Layunin ng PUV modernization program na pahusayin ang pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mas bago, mas ligtas, at mas makakalikasan na mga sasakyan.
Gayunman, 22 sa 23 senador ang sumuporta sa isang resolusyon na nananawagan ng pansamantalang pagtigil sa pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating tinatawag na PUV Modernization Program. (ZIA LUNA)