NILAGDAAN ng mga convenor at mga miyembro ng Defend Teacher France Movement ang unity statement bilang suporta kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at sa buong Talaingod 13 sa kanilang laban para mabaligtad ang hindi makatuwirang desisyon ng hukuman na humatol sa kanila na guilty sa kasong ‘other forms of child abuse’ dahil sa kanilang buong tapang na pagligtas sa mga estudyanteng Lumad mula sa pag-atake ng Alamara paramilitary group na suportado ng mga puwersa ng estado.
Tiniyak ng kilusan na mangangalap ng malawakang suporta para sa isinusulong na adbokasiya ni Teacher France, turuan ang iba laban sa disinformation at panlilinlang, at mahigpit na tinututulan ang lahat ng pag-atake at kawalang-katarungan laban sa mga guro, manggagawa sa edukasyon, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at mga marginalized at inaaping sektor kabilang ang mga katutubo at komunidad.
“Hindi ako at hindi si Ka Satur ang issue dito. Ang malaking issue dito ay ang patuloy na pagpapabaya ng gobyerno at pagkakait ng serbisyong panlipunan sa ating mga katutubo,” sabi ni Teacher France sa pagtitipon na ginanap sa Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) auditorium.
“Ito ang pinakaugat ng kaso laban sa amin. Ang issue dito ay tugunan sana ng gobyerno ang matagal nang hinaing ng mga katutubong Lumad sa Mindanao, ang pang-aagaw ng kanilang lupa at pagkakait ng karapatan sa edukasyon,” wika niya. (ROSE NOVENARIO)