NANAWAGAN ang grupong PISTON sa Supreme Court na manindigan sa panig ng sambayanang Pilipino at huwag maengganyo sa mga mapanlinlang na estratehiyang ginagamit ng rehimeng Marcos Jr. upang itulak ang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Anang grupo, hindi dapat basta tanggapin ang pahayag ng gobyerno na 80% na ng public utility vehicle (PUV) operators ay nagkonsolidad dahil ito’y propaganda lamang, idinisenyo upang ikubli ang pang-ekonomiyang panggigipit at pamimilit na ginagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga maliliit na operator.
Giit ni PISTON National President Mody Floranda, ang katotohanan ay mayorya ng mga tsuper at operator ng PUV ay tutol sa pagsuko ng kanilang indibidwal na prangkisa sa mga korporasyon o kooperatiba at inilulubog pa sila sa utang.
Mula aniya binalangkas ang PUVMP noong 2017, patuloy ang pagkontra ng mga mamamayan sa pag-takeover ng mga korporasyon sa sistema ng pampublikong transportasyon.
Binigyan diin ni Floranda ang kagyat na pangangailangan na makialam ang Korte Suprema at mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa PTMP upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa kabuhayan ng mga PUV driver at operator. (ZIA LUNA)