Fri. Nov 22nd, 2024

SINAMPAHAN ng kasong administratibo sa Ombudsman ni dating Caloocan City Mayor Rey Malonzo ang dalawang barangay chairman ng siyudad dahil sa pagpasok at paglalaro nito sa loob ng isang casino sa Paranaque City.

Tinukoy ang barangay chairman na sina Marlon Aquino ng Barangay 2 at Noli Estolano ng Barangay 3 ng lungsod ng Caloocan.

Ayon kay Malonzo, noong 14 Hunyo 2024 ay pumasok at naglaro sa Solaire Resort and Casino ang dalawa na mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng halal na opisyal at mga empleyado ng gobyerno, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular (MC) No. 2018-25; at Office of the President Memorandum Circular (OP) No. 06 (s. 2016), na may kinalaman sa Section 2 of Republic Act No. 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”

“Matapos dumalo sa isang birthday party, ang mga nasabing opisyal ay nakita sa loob ng casino kung saan ay nagpicture pa ang mga ito at ipinost sa public Facebook account kung saan ay pinopost din ang kanilang mga activities bilang mga barangay chairman,” sabi ni Malonzo.

“Sa mga pinost nilang larawan, makikita na nag-eenjoy at pinagmamalaki ang tila marangyang pamumuhay na meron sila. May picture ang dalawa na nasa harap ng mga slot machine, at ang isang picture naman ay makikitang nakaupo sa isang poker table si Kap. Noli.  Ito ay hindi magandang halimbawa sa para sa aming mga kababayan sa Caloocan. Paano nila maayos ang aming mga barangay sa lungsod kung ang simpleng pagsunod po sa mga kautusan ng gobyerno ay di nila isinasabuhay?” dagdag pa ni Malonzo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *