“GAGAWIN lamang ni Padilla na perya ang senado, na siya mismo ang payaso, katuwang ang NTF-Elcac at AFP na eksperto sa paghahabi ng mga kwento laban sa CPP at NPA,” ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Ang reaksyon ng CPP ay kaugnay sa napabalitang balak ni Sen. Robin Padilla na imbestigahan ang mga diumano’y kaso ng sexual harassment at rape sa loob ng CPP at New People’s Army (NPA).
Inilahad ni CPP Information Officer Marco Valbuena ang mga layunin ni Padilla sa naturang pagsisiayasat.
“Una, malinaw na ang balak na “imbestigasyon” ni Senador Padilla ay isang diversionary tactic para ilayo ang pansin ng publiko sa kabalbalang pinagsasabi niya ilang araw ang nakaraan,” ani Valbuena.
“Lumabas sa kanyang pagtatanong na napakaatrasado pa rin ng kanyang utak-macho na pagtingin sa kababaihan bilang mga sex object at parausan. Desperado ang pagpapanggap niyang may moral high ground sa usapin ng kababaihan,” dagdag niya.
Binigyan diin ni Valbuena na suntok sa buwan ang gustong mangyari ni Padilla dahil hindi naman saklaw ng senado o gobyernp ng Pilipinas ang CPP at NPA dahil may sariling rebolusyonaryong sistema at mga batas na ipinatutupad ang CPP at NPA.
“Ikalawa, paano siya mag-iimbestiga sa CPP at NPA gayong hindi naman saklaw ng kapangyarihan ng senado o kanyang gubyerno ang CPP at NPA? May sariling rebolusyonaryong sistema at mga batas na ipinatutupad ang CPP at NPA,” giit ni Valbuena.
Sa maraming lugar aniya sa Pilipinas ay may mga hukuman ang CPP at NPA na dumidinig sa mga reklamo at kaso.
Isiniwalat ni Valbuena na minsan nang nakahalubilo ni Padilla ang NPA at alam ng senador kung gaano kahigpit ang mga patakaran ng kilusang rebolusyonaryo.
“Ikatlo, tiyak naming alam na alam ni Senador Padilla, dahil minsan na niyang nakahalubilo ang NPA, kung paanong mahigpit na mahigpit na ipinatutupad ng CPP, NPA at buong rebolusyonaryong kilusan ang mga patakarang nangangalaga sa interes ng kababaihan, pati na ng mga minoryang kasarian, laban sa diskriminasyon, pang-aabuso at karahasan,” saad ni Valbuena.
Napaulat na noong nagtatago pa sa batas si Padilla sa kinakaharap na kasong illegal possession of firearms noong dekada ’90 ay ‘kinupkop’ umano siya ng NPA sa kanilang kampo.
“Bawal ang mga rapist sa CPP at NPA, hindi katulad sa reaksyunaryong gubyerno, na nahahalal pa bilang presidente at mambabatas. Patakaran ng Partido at BHB na sinumang napatunayang nagkasala ng panggagahasa ay dapat itiwalag at parusahan,” giit niya.
Ipinagmalaki ni Valbuena na mulat na mulat ang rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng CPP sa mga pagsisikap na palayain ang kababaihan sa anti-babaeng kaisipan at kulturang pyudal at burges.
“Bunga nito, libu-libong kababaihan ang naging mga lider at kasapi ng Partido at BHB, mga rebolusyonaryong organisasyon sa lahat ng antas,’ aniya.
“Sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, magkapantay ang mga karapatan ng mga karapatan mga babae at lalaki, maging ang mga bakla, lesbyan, at iba pang kasarian, sa pamumuno at paggampan ng mga tungkulin sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, kabilang ang pagiging mga kumander ng BHB,” pagtatapos ni Valbuena. (ROSE NOVENARIO)