Thu. Nov 21st, 2024

MARAMI ang bumilib sa biglang pagbaligtad ni ret. police Col. at dating PCSO General Manager Royina Garma laban sa kanyang patron na sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Bong Go.

Ikinanta niya ang reward system sa Davao Template na ipinatupad sa madugong drug war ng rehimeng Duterte na wala raw siyang naging papel.

Hindi natin masisisi ang ale na natakot sa pangitain na mabubulok siya sa kulungan habambuhay kaya mas minabuti na niyang magturo at maghugas-kamay.

Ngunit ilang observer ang nakapuna sa timing nang pagbubulgar ni Garma kahapon sa malaking papel ni ret. Col. Edilberto Leonardo, isang batikan daw na operatiba at miyembro ng Iglesia ni Cristo, na kanyang inirekomenda kay Duterte na mamuno sa drug war gamit ang Davao Template.

Nagkataon lang kaya na kasabay ng pagkanta ni Garma sa quad comm  ang pagbisita nina Duterte at Go kay INC leader Eduardo Manalo sa Central Office sa Commonwealth Ave., Quezon City?

Nag-leak kaya ang affidavit ni Garma sa kampo ng mga Duterte hinggil sa pagkaladkad niya sa “INC member requirement” ni Duterte sa magpapatupad ng kanyang madugong drug war?

May posibilidad kaya na sadyang ididiin na lang ni Garma si Leonardo para mailigtas ang kanyang sarili, pati na rin sina Duterte at Go, tutal naman ay may INC sa likod ni Leonardo?

Nagtaka rin ang ilang miron sa quad comm kung bakit sa tagal ng kanyang pananatili sa Davao City bilang favorite policewoman ni Duterte ay wala siyang alam tungkol kay Michael Yang samantalang sa sandalling assignment niya sa Cebu City ay natumbok niya na ang bigtime drug lord sa Visayas ay si Peter Lim.

Mukhang imposible na ang isang chismosang pulis na tulad ni Garma ay walang nasagap na impormasyon na isinasangkot sa sindikato ng illegal drugs si Yang, na nakabase sa Davao City sa nakalipas na mahigit 20 taon, samantalang 1997 pa ay naka-assign na siya sa siyudad.

Apat na ang nagturo kay Garma bilang nag-utos na itumba ang tatlong convicted Chinese drug trafficker sa loob ng Davao Penal Colony pero itinanggi pa rin niya ang partisipasyon at si Leonardo pa rin ang iginiit niyang nagbigay ng direktiba.

Todo tanggi rin si Garma na siya ang nagpatumba kay dating PCSO board secretary at ret. Gen. Wesley Barayuga samantalang itinuro  ng dalawang opisyal ng PNP sila ni Leonardo bilang utak sa krimen.

Pinaninindigan pa rin ni Garma na sangkot sa illegal drugs si Barayuga kahit walang maipakitang matibay na ebidensya.

May ilan din na nakapuna na tila napakabilis magpalit ng emosyon ni Garma, mula sa parang pinagagalitan niya ang mga pamilya ng biktima ng EJK sa Cebu City  ay ngumawa naman siya habang binabasa ang kanyang affidavit.

Makaraan lamang ang ilang minuto ay normal na naman siyang nakapagsasalita at sinasalag ang mga tanong sa kanya ng mga kongresista.

Ilan lamang iyan sa mga obserbasyon ng isang pangkaraniwang mamamayan na sumusubaybay sa mga pagdinig ng quad comm.

Mukhang kailangan pa ng mas malalim na pagsusuri sa mga bagong pahayag ni Garma upang matunton ang tunay na katotohanan at mabigyan ng ganap na hustisya ang mga biktima ng sindikatong kriminal na gobyerno.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *