ISINIWALAT mismo sa mga pagdinig ng House quad committee na ginamit ang drug war bilang prente ng terorismo ng estado noong rehimeng Duterte.
Terorismo ng estado ang pinakaangkop na taguri sa inihasik na lagim at takot ng rehimeng Duterte sa anim na taon nilang paghahari sa bansa.
Bagama’t unang kumanta sa quad comm si police Lt Col. Jovie Espenido na ang Philippine National Police (PNP) ang pinakamalaking sindikatong kriminal sa bansa, si ret. Police Col. Royina Garma naman ang nagbigay ng mga inisyal na detalye para susugan ang pahayag ni Espenido.
Sa katunayan ay direktang tinukoy ni Garma ang dati niyang mga boss na sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go at resigned National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo bilang nagpatakbo sa madugong drug war na libu-libong Pinoy ang pinatay.
Huwag nating kalimutan na kahit mga kalaban sa politika, aktibista, abogado, mamamahayag , pari at mga peace consultants ay naging biktima rin ng berdugong rehimeng Duterte.
Ibig sabihin, pinagsama-samang mamamatay tao mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), paramilitary groups, mga convicted mula sa iba’t ibang bilangguan sa bansa ang pinakilos ni Duterte at kanyang kampon, para isagawa ang malawakang patayan na ang ultimong layunin ay takutin ang mga mamamayan upang huwag labanan ang kanilang pandarambong sa kaban ng bayan at malayang makapag-operate ang kanilang sindikatong kriminal.
Nagamit pa nila ang COVID-19 pandemic para lalong rendahan ang mga mamamayan upang walang kahira-hirap na manakawan nila ang kaban ng bayan at para mamayagpag ng husto ang legal at illegal POGO operations.
Ilang political observer ang nagtanong kung bulag, pipi at bingi ba sa mga ‘kahayupang’ nangyayari sa PNP si noo’y Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano? Lalo na’t ang pinatay na si ret. Gen. at dating PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020 ay mistah niya sa PMA Class ’83, pero hindi nabigyan ng hustisya.
Anti-Terror law
Isa pang instrumentong ginasgas ng rehimeng Duterte at patuloy na ginagamit ng administrasyong Marcos Jr. upang takutin ang mga aktibista at paboran ang mga negosyo ng dambuhalang negosyante na kanilang kaalyado ay ang Anti-Terror Law.
Kahit katawa-tawa at malinaw na kalokohan, isang aktibistang katutubo na may-ari ng sari-sari store na si Marcyln Pilala, ay sinampahan ng militar ng paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA, Republic Act 10168) dahil pinayagan umano niyang bumili sa kanyang tindahan ang mga kasapi raw ng New People’s Army (NPA).
Ang bistadong modus ng militar na may palulutangin na rebel returnees para ituro ang gusto nilang gipitin ay ipinairal sa kaso ni Pilila
Ayon sa Cordillera women’s alliance Innabuyog at ang Mountain Province chapter nito na Binnadang kaya hinaharas si Pilila dahil isa siya sa mga kumokontra sa panukalang wind energy facility na itatayo sa kanilang ancestral domain at noong estudyante pa siya ay naging pangulo ng Mountain Province Youth Alliance (MPYA), na ang adbokasiya ay para sa karapatan at kapakanan indigenous youth, at kumokondena sa mga paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon.
Naging substitute teacher siya sa public school at gusto lang madagdagan ang kita kaya nagtayo ng sari-sari store pero ngayon ay binansagan na ng militar bilang nagpopondo raw sa mga terorista.
Nakagagalit din ang pagsasampa sa Department of Justice ng mga kasong paglabag sa Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020, Republic Act 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, at multiple attempted murder charges laban kay Southern Tagalog civilian Alaiza Mari Lemita.
Nagsilbing complainant sa anti-terrorism case si 2Lt. Frederick Malagat Jr. ng AFP at iprinisinta bilang mga testigo ang umano’y rebel returnees na sina Ronie Gutierrez at Alfred Manalo.
Nag-ugat ang kaso sa isang engkuwentro ng NPA at militar noong 10 Marso 2017 sa Sitio Masapiit, Barangay Toong, Tuy, Batangas, limang taon bago sinampahan ng kaso si Lemita noong Mayo 24 at tatlong taon bago naipasa ang Anti-Terror law.
Habang si PSSG. Reynante Malvar mula sa Batangas Philippine National Police Criminal Investigation Group, ang nagsilbing complainant sa kasong anti-terror financing at ang mga testigo ay sina Gutierrez at Manalo rin.
Pinaratangan nila si Lemita na bahagi ng NPA na nakipagbakbakan sa militar.
At higit na nakatatawa sa kasong ito ay ang bintang ng mga testigo na na naghatid ng adobo at kanin na nakalagay sa loob ng dalawang sako si Lemita sa mga rebeldeng NPA, anim na buwan matapos ang insidente.
Sinabi ng mga testigo na ang adobp at kanin na nasa loob ng dalawang sako ay ibinigay umano sa NPA sa Barangay Banilad, Nasugbu, Batangas kasama ang isang bungkos ng pera na tinatayang P50,000.
Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataon na kinasuhan si Lemita at kanyang pamilya pero ang mga naunang asunto ay nabasura naman dahil walang batayan.
Biktima pa nga si Lemita ng “terorismo ng estado” dahil kasama sa napatay sina Ana Maris Lemita Evangelista at kanyang asawang si Ariel Evangelista sa pamosong Bloody Sunday Killings noong 7 Marso 2021 na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista at dinakip ang anim pang iba sa buong Southern Tagalog Region.
Lumalabas na hanggang ngayon ay patuloy ang pangigigipit ng mga unipormado sa pamilya ni Lemita.
Kung ang may sari-sari-store at nagluto ng adobo at kanin ay pinararatangan ng gobyerno na mga nagtustustos daw sa mga terorista, ano ang tawag kina Duterte, Go, Leonardo na ayon kay Garma ay nagbayad sa mga pulis at iba pa nilang kampon para pumatay ng tao?
Sino ang tunay na terorista, ang may-ari ng ng tindahan at nagluto ng adobo at kanin, o ang dating pangulo, senador, dating Napolcom commissioner at mga unipormado na nagsabwatan para maghasik ng lagim sa ating Inang Bayan sa loob ng anim na taon?