Mon. Nov 25th, 2024

📷Dante V. Simbulan | Kodao Productions

 

PUMANAW na ang Philippine Military Academy (PMA) alumnus na naging aktibista na si Dante V. Simbulan sa Fairfax County, Virginia, USA noong Setyembre 13,  ayon sa kanyang anak na si Prof. Roland Simbulan.

Si Simbulan, 94, ay mula sa Class’52 honors graduate ng PMA at naging isang World War II veteran na naitalaga para labanan ang Hukbong Mapagpalayang Bayan ng Partido Komunista ng Pilipinas, batay sa ulat ng Kodao Productions.

Naging Kapitan siya sa Philippine Army at nadestinong magturo sa kanyang alma mater at kabilang sa naging estudyante niya ay si dating Armed Forces Chief of Staff at two-time senator Rodolfo Biazon.

Naging professor din siya nina Lt. Crispin Tagamolila at Lt. Victor Corpuz, parehong iniwan ang military service para sumapi sa New People’s Army (NPA) noong rehimeng Marcos Sr.

Nadakip si Corpuz at bumalik din sa militar matapos mabigyan ng pardon ng gobyernong Aquino noong 1986.

Habang si Tagamolila ay nasawi bilang isang rebolusyonaryong martir sa engkuwentro sa militar sa Isabela.

Si Simbulan ang nag-imbita kay Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison para magbigay ng lecture sa PMA na may titulong “The mercenary tradition of the Armed Forces of the Philippines.”

Bilang PMA instructor, itinuring si Simbulan bilang maimpluwensyang boses ng panlipunang konsensya para sa isang henerasyon ng mga kadete.

Dahil sa lumalalang pagkadismaya sa militar sa ilalim ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr., nagbitiw si Simbulan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang Koronel sa mga unang araw ng batas militar.

Kalaunan ay nakulong siya nang walang kaso ng tatlong taon sa Camp Bonifacio at Camp Crame mula 1974, na nag-udyok sa kanya na humingi ng asylum sa Estados Unidos pagkatapos ng kanyang paglaya.

Sumama siya kay Philippine Navy Captain Danilo Vizmanos na kabilang sa mga opisyal ng militar na nakulong ng diktadura.

Sa isang mensahe noong 2022 sa ika-50 anibersaryo ng pagpapataw ng batas militar, sinabi ni Simbulan: “I would not like anyone to experience the horrors of Martial Law that I and tens of thousands of our compatriots were subjected to by a tyrannical dictator and his military and police minions.”

Sa kanyang 2016 na aklat na “Whose Side Are We On? Memoirs of a PMAer” Ipinaliwanag ni Simbulan ang kanyang mga dahilan para pumanig sa aping masang Pilipino laban sa mga pang-aabuso ng AFP at ng gobyerno.

Bilang isang exile, si Simbulan ay naging aktibong boses laban sa mga pagmamalabis ng diktadura, na nag-ambag sa kilusan na kalaunan ay nagpatalsik kay Marcos Sr. at sa kanyang pamilya noong 1986.

Sinabi ng anak ni Simbulan na si Dante Jr. na tumulong ang kanyang ama sa pandaigdigang kampanya para sa karapatang pantao bilang executive director ng Church Coalition on Human Rights in the Philippines.

Isa rin siya sa mga founding convenor ng Malaya USA sa pagsisimula ng rehimeng Rodrigo Duterte.

Si Simbulan ay nag-akda ng iba pang mga libro tulad ng “The Modern Principilia: The Historical Evolution of the Philippine Ruling Oligarchy” nilimbag noong 2005 at “When The Rains Come, Will Not The Grass Grow Again? (The Socialist Movement in the Philippines: 1920-1960)” inilathala noong 2018.

Inilarawan ni Sison si Simbulan bilang isang mahusay at mapang-akit na manunulat.

Sa kanyang pagpupugay sa Facebook, sinabi ni Prof. Judy Taguiwalo na si Simbulan ay isang nasyonalistang sundalo at iskolar ng bayan.

Nanatili siyang aktibista hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.(ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *