Thu. Nov 21st, 2024

📷Koalisyong Makabayan senatorial candidate Alyn Andamo

 

NAGPAABOT ng kanyang pakikiramay si Nars Alyn Andamo sa pamilya ng isang nars na nasawi sa pag-atake ng pasyente sa pribadong ospital sa Tagbilaran City, Bohol kamakailan.

Sa pagganap  aniya sa tungkulin sa harap ng mga problema sa kakulangan ng sistemang pangkalusugan, ang mga nars ay napagbubuntunan ng pagkadismaya at anomang pagkabigo mayroon ang mga pasyente, at maging mga kasamahan sa medical team.

Hiniling ni Andamo ang pang-unawa ng publiko na ang naturang sitwasyon ay hindi kagagawan ng mga nars bagkus biktima rin sila ng naghihingalong sistema sa kalusugan na naglalagay sa health workers sa panganib.

“Sana maunawaan natin ang ganitong kalagayan, hindi ang nars ang may gawa ng mga problemang nararanasan natin. Ang mga nars ay biktima mismo at nakapaloob sa sistemang matagal nang napabayaan. Ang naghihingalong sistema sa kalusugan ang nagtutulak sa mga pasyente sa mas malalang kalagayan at naglalagay sa mga manggagawang pangkalusugan sa panganib at alanganin dala ng pagiging overworked at underpaid,” sabi ni Andamo, isang community nurse at senatorial candidate ng Koalisyong Makabayan, sa isang kalatas.

Tungkulin aniya ng pamahalaan at ng management ng mga pasilidad pangkalusugan na bigyan ng sapat na proteksyon at siguruhin ang kaligtasan ng mga nars at iba pang manggagawang pangkalusugan.

“Walang anumang makatarungang dahilan sa pagpatay sa isang manggagawang pangkalusugan,’ giit niya.

Dapat aniyang panagutin ang estado sa lubhang hindi magandang karanasan ng mga pasyente at manggagawang pangkalusugan sa loob ng mga pagamutan, pribado man o pampubliko.

“Marapat lang na panagutin ang estado sa ganitong kalagayan ng mamamayan dahil mandato nito na siguruhin na lahat ay nakakatamasa ng karapatan ng kalusugan,” ani Andamo.

Nanawagn siya ng hustisya para sa pinaslang na nars at siguraduhin ang kaligtasan ng mga manggagawang pangkalusugan.

“Siguruhin ang proteksyon at kaligtasan ng ating mga nars at manggagawang pangkalusugan. Ligtas na nurse-to-patient ratio! Reporma sa sistemang pangkalusugan!”

Kaugnay nito, kinondena ng Health Workers Partylist ang pagpaslang sa nars sa Bohol at tinawag itong” act of senseless violence in the workplace.”

“Urgent attention must be called on the unbearable conditions of health workers in our country, who , on top of being overworked and underpaid, remain vulnerable to many risks. The safety of all health workers must be protected at all times,” sabi ni Maristela Abenojar, isang nars at second nominee ng Health Workers Parytylist. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *