NANAWAGAN si Senador Risa Hontiveros sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (LBO) laban kay Apollo Quiboloy.
Ayon kay Hontiveros sa isang pulong balitaan ang paglalabas ng ILBO ay para mapigilan si Quiboloy na makalabas ng bansa ngayong ikinakasa ng Senado ang imbestigasyon tungkol sa mga krimen na kinasasangkutan niya gamit ang pinamumunuan na religious group Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Matatandaan na naghain si Hontiveros ng resolusyon at nagbigay ng privilege speech sa plenaryo tungkol sa umano’y sexual abuse na ginawa ni Quiboloy sa isang menor de edad at umanoy pagpuwersa at pananakit sa mga menor de edad kapag hindi nakaabot sa quota sa kanilang paninda.
Ipinarinig ng senador ang boses ng isang alyas Jackson na pinilit umano na mamalimos at sinaktan para maka-quota..
Ipinakita rin ang video ng isang alyas Arlene na dating miyembro ng KOJC na nasa Amerika na at nasa hustong gulang na ngayon at pinilit rin na mamalimos sa utos ni Quiboloy at siya rin nanakit at nambatok sa kanya.
Sinabi ni Hontiveros, lumapit sa kanyang tanggapan ang mga biktima at dating miyembro ni Quiboloy dahil nasubaybayan nila ang imbestigasyon ng Senado sa Socorro Bayanihan incorporated.
Umaasa rin ang senador na magkukusang mag imbestiga ang DOJ at Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga paratang laban kay Quiboloy.
Hindi nangangamba si Hontiveros sa sinasabing baka isa itong political suicide dahil may mga politikong protektor o kinakapitan si Quiboloy.
Giit ng senador, ang pakay niya ay hustisya at proteksyon ng mga babae at mga bata.
Si Hontiveros ang mangunguna sa imbestigasyon at inaasahan na sisipot dito si Quiboloy at kung hindi naman ay may kapangyarihan ang Senado para pilitin siyang humarap. (NINO ACLAN)