NANINIWALA si Senadora Grace Poe na hindi masisisi ang mga tsuper na maglunsad ng tigil pasada dahil mayroon silang sapat na dahilan o katwiran.
Napako lamang aniya ang mga naunang pangako na binitawan ng Department of Transportation (DoTr) ukol sa Public Utility Vehicle modernization program (PUVMP) para matulungan ang drivers at operators kaugnay sa December 31 consolidation deadline.
Nakatakda ang dalawang araw na tigil-pasada na pangungunahan ng grupong PISTON bukas hanggang sa Biyernes bilang pagtutol sa 31 Disyembre 2023 deadline ng administrasyong Marcos Jr. para sa franchise consolidation.
“Nakaka-alarma na makitang hindi naaprubahan ang mga sinusulong natin proteksyon para sa mga drivers sa pondo ng PUV Modernization Program,” ani Poe.
Sa ilalim ng 2024 ang naturang programa ay inilaan lamang ang pondong 1.6 bilyong piso na kung saan ay hindi pa kasama ang livelihood ng mahigit sa 300,000 tsuper.
“Pinangakuan tayo na aaralin muli ang programa bago ang ano pa mang deadline ngayong Disyembre. Ngunit tulad pa rin ng nakalipas na anim na taon, puro pangakong napapako lang ang natatanggap natin dito sa Senado,” giit ni Poe, Chairman ng Senate committee on public services.
Tinukoy ni Poe simula pa noong 2018 ay dapat nagsagawa na ng route plan para sa PUV’s kung kaya’t naipagpaliban ang budget ng DOTr ukol sa naturang progrma.
Ayon kay Poe ang route rationalization study ay mahalagang component ng programa na kung saan tutukoy kung ilang jeepneys, UV express at buses ang kailangan sa isang ruta na siyang magtitiyak sa maayos na operasyon.
Sa kasalukuyan kasi tanging 9.5 porsyento lamang o 155 mula sa 1,575 local government units ang nag-aprubang ruta.
“Bakit maraming deadline at requirements sa driver samantalang ang mga deadline ng DOTr at LTFRB (Land Transportation Franchising Regulatory Board) para sa ruta nila ay hindi naman natutupad. Ngayon, nangangako na naman sila na may aprubadong ruta para sa kalahati ng bansa sa June 2024. Pero dahil wala ang probisyong ito sa budget, malamang ay aasa na naman tayo sa wala,” giit ni Poe.
Nagbabala si Poe na kung itutuloy ang December 31 consolidation deadline ay tiyak na maaepektuhan ang libu-libong mga tsuper na hindi pa nakakasali sa mga kooperatiba.
“Hindi mo naman masisi ang mga tsuper na takot sumali sa kooperatiba dahil ang laki ng pondong kailangan tapos wala pang training ang DOTR sa pag-manage ng pera at PUV units,”dagdag ni Poe.
Sa kabuuang gastos na 2.5 milyong piso na halaga ng isang unit ng modern jeepney tanging 8.4 porsyento o P210,000 lamang ang maaring saluhin ng pamahalaan. At upang mapunuan ang 300 libong PUV units kinakailangan ng pamahalaan ang P63-B na hindi nakapaloob sa 2024 national budget.
“Nasaan ang gobyerno sa modernisasyon? Ang lakas ng loob ng DOTR mag-deadline, wala naman maitulong. Risonable naman ang panawagan natin para sa masusing pag-aaral at reporma ng PUV Modernization bago magpataw ng mga deadlines ang DOTr.. I also call on my colleagues to help us prioritize the enactment of the Just and Humane PUV Modernization Act,” pagwawakas ni Poe. (NINO ACLAN)