MAS dapat kabahan si Vice President Sara Duterte sa International Criminal Court (ICC) kaysa panukalang Charter change ni House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay dating Presidential Political Adviser Ronald Llamas, kapag dumating ang kinatawan ng ICC sa bansa at totoo ang napaulat sa Vera Files na kasama si VP Sara sa iniimbestigahan sa kasong crimes against humanity kaugnay sa madugong Duterte drug war, balewala ang Cha-cha o hindi mag-Cha-cha para sa bise president.
“At saka mukhang iba ang kanyang layunin nowadays, lalo na nabasa ang kanyang statement, mukhang malayo sa kanyang isip itong Cha-cha at people’s initiative. Mukhang iba ang namamayani sa kanyang isip,” sabi ni Llama sa panayam kay Christian Esguerra sa Facts First podcast.
Sa isyu kung may dumating na sa bansa na kinatawan ng ICC, tiniyak ni Llamas na may nagpapadala na ng feelers mula sa ICC sa administrasyong Marcos Jr. at baka may “nagdadala” ng feelers.
Dapat aniyang makipagtulungan ang gobyerno sa ICC dahil malinaw sa Rome Statute na kahit umalis na sa treaty ang lumagda at nagsimula na ang proseso sa inahing reklamo sa tribunal ay “binding” ito.
“Mahirap yung nagtse-cherry picking, sa ICC hindi ka susunod, sa UNCLOS susunod ka. I-invoke mo ang international law. Parang ano ‘yan eh, itong sa Gaza hirap naman ng role ng Amerika na ibi-veto nila ang ceasefire , hindi nila ikokondena ang mga masaker sa Gaza, tapos pipilitin nila ang buong mundo na kondenahin ‘yung sa Ukraine. Kailangan pareho mong ikondena,” paliwanag ni Llamas.
“Tingin ko yung gobyerno ngayon ay may direksyon sumunod sa international law at hindi mag-cherry picking, piliin ang UNCLOS pero ire-reject ang ICC. Bagaman ‘yun ang kanilang posisyon earlier this year, mukhang nabago na at mukhang sineseryoso ang feelers galing sa ICC at mukhang tinatangkilik kung mayroon man feelers physically ngayon,” sabi ni Llamas.
Matatandaan sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na pag-aaralan kung babalik ang Pilipinas sa Rome Statute kasunod ng mga resolusyon inihain sa Kongreso na humihimok sa kanya na pumasok muli sa treaty na lumikha sa ICC, apat na taon mula kumalas dito ang administrasyong Duterte. (ZIA LUNA)