TAHASANG kasinungalingan ang ulat ng Philippine National Police (PNP) noong Linggo na nadakip nila si Prudencio Lubid, isang dating kumander ng New People’s Army, dahil siya’y halos dalawampung taon nang nawawala mula dinukot ng miitar, ayon sa Communist Party of the Philippines.
Sinabi ni Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, sa isang kalatas na mahigpit na tinutuligsa ng CPP ang rehimeng Marcos at at mga opisyal ng PNP sa bulaang pahayag na ang isang matandang lalaki na dinakip nila sa Olongapo City noong Disyembre 7 ay si Calubid.
Malinaw na motibo aniya ng mga ito’y ang makuha ang ₱7.8 milyong ipinatong ng militar at pulis sa ulo ni Calubid.
“Ang paghahabi ng kasinungalingang ito ay bahagi rin ng koordinadong opensibang PR ng rehimeng Marcos upang desperadong lumikha ng larawan na sila ay ganap na nagtatagumpay sa paggupo sa armadong paglaban ng bayan,” giit ni Valbuena.
Si Calubid aniya ay dinukot at winala ng mga ahente ng militar noong 2006 pati ang kanyang asawa na si Celina Palma, sina Ariel Beloy, Antonio Lacno at ang kaniyang pamangkin na si Gloria Soco.
“Ang kanilang sasakyan ay hinarang sa isang ligaw na bahagi ng haywey sa Sipocot, Camarines Sur habang bumibiyahe patimog. Nakita ng isang saksi kung paano sila pinosasan, piniringan, at pwersahang ipinasok sa iba’t ibang sasakyan,” ayon kay Valbuena..
“Ang pahayag ng PNP ay naglalayong hugasan ang kamay ng Armed Forces of the Philippines sa krimen ng pagdukot at pagwala kay Calubid at sa Sipocot 5,” dagdag niya.
Isa aniya itong malaking insulto at pagkutya sa halos dalawang dekada nang paghahanap ng hustisya ng mga pamilya at ang kanilang pakikibaka na hanapin ang kanilang nawawalang mga mahal sa buhay. (ROSE NOVENARIO)