📷Nars Alyn Andamo for Senator | FB
Mariing tinutulan ng Health Alliance for Democracy (HEAD) kasama ang iba pang organisasyong pangkalusugan ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa isang kilos protesta na idinaos sa ikalawang araw ng oral arguments sa mga petisyon na inihain na kumukuwestiyon sa paglilipat ng PhilHealth Funds sa National Treasury.
Nanawagan sila sa Korte Suprema na ideklarang ilegal at labag sa Konstitusyon ang paglilipat.
Iginiit ni Dr. Edelina Dela Paz, HEAD Chairperson, dapat dinging ng Korte Suprema ang boses ng publiko, partikular ang healthcare workers.
Hindi aniya para sa kapakanan ng mga mamamayan ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth kaya’t umaasa sila na permanenting ipahihinto ito ng Kataastaasang Hukuman gayundin ang iba pang “excess funds” ng iba pang Government-Owned and Controlled Corporations patungo sa Unprogrammed Appropriations
“The Supreme Court should heed the voice of the people and the health care providers. The transfer of PhilHealth funds is not for the benefit of the people. We hope the Court will permanently stop the transfer of PhilHealth funds and other “excess” funds of other Government-Owned and Controlled Corporations to the Unprogrammed Appropriations,” wika ni Dela Paz.
Sinabi ni Dela Paz na saksi sila sa araw-araw na paghihirap ng mga maralitang pasyente sa mga pampublikong ospital.
Kahit na may saklaw ang PhilHealth, maraming miyembro ang nagbabayad ng mataas na out-of-pocket para sa mga medikal na bayarin.
Binanggit niya ang datos na sinabi ng isa sa mga dalubhasang tagapagsalita noong unang oral arguments sa Korte Suprema, si Sonny Africa ng IBON, na ang average na bahagi ng PhilHealth sa mga medical bill ay 10.2% lamang.
Binatikos din ni Dr. Dela Paz ang pahayag ng Department of Finance na nagtatanggol sa paglilipat, na nagsasaad na “mga 78%” ng inilipat na pondo ng PhilHealth, o P46.61 bilyon ng P60 bilyon, ay ginugol sa mga proyektong may kinalaman sa kalusugan.
Kabilang rito ang mga benepisyong public health emergency at allowance ng healthcare workers at non-healthcare workers ,pagbili ng mga kagamitang medikal para sa mga ospital ng gobyerno at mga pasilidad ng pangunahing pangangalaga, at pagtatayo ng mga pasilidad sa kalusugan ng DOH.
Kung tapat aniya ang gobyernong Marcos Jr. sa pagpopondo sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga mamamayan, ang mga gastusin na ito na may kinalaman sa kalusugan ay dapat na isinama sa ilalim ng regular na badyet ng Department of Health (DOH), at hindi ilagay ito sa ilalim ng unprogrammed appropriations, na walang tiyak na pondo.
Dapat aniya ay direktang pinondohan at inilaan ng gobyerno ang sapat na badyet para sa mga pampublikong ospital at pasilidad ng pampublikong kalusugan upang matiyak ang libre, komprehensibo at de-kalidad na serbisyong pampublikong kalusugan.
Sinabi ng doktor na dapat iwasan ng administrasyong Marcos Jr na gamitin ang mga kakaunting alokasyon na ito sa mga proyektong may kinalaman sa kalusugan upang bigyang-katwiran ang pinalaki, daan-daang bilyong piso sa unprogrammed appropriations na nilalayon para pondohan ang karamihan sa mga proyektong patronage-driven o parang pork barrel.
Binigyan diin ni Dela Paz na hindi dapat magdusa ang mamamayang Pilipino sa kapalpakan ng PhilHealth, at higit na masahol pa ang pasanin ng patuloy na kapabayaan ng gobyerno at pagmamaniobra ng badyet para sa interes ng mga sakim at tiwaling opisyal.
“The Filipino people should not suffer from PhilHealth’s inefficiencies, and much worse bear the burden of government’s continued neglect and budget maneuvering for the interests of the greedy and corrupt officials.”
Nangako ang grupong pangkalusugan na ipagpapatuloy ang mga kilos-protesta laban sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth, habang nakikipagtulungan sila sa iba pang sektor tungo sa tunay na libre, komprehensibo, at de-kalidad na public health service para sa sa mamamayan. (ROSE NOVENARIO)