📷Sen. Risa Hontiveros
MAITUTURING na kapabayaan ng 19th Congress kapag hindi isinakatuparan ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President, sabi ni Sen. Risa Hontiveros.
“Sumang-ayon ako at sumasang-ayon hanggang ngayon sa pananaw ni Senate Minority Leader Senator Koko Pimentel na ang linaw ng utos ng Constitution sa amin–‘forthwith,’ at mas klaro pa nga sa Pilipino– ‘agad’,” ayon kay Hontiveros sa Kapihan sa Senado forum.
Ang pahayag ni Hontiveros ay bilang tugon sa sinabi ni Senate President Chiz Escudero na sa 20th Congress na maisasagawa ng Senado ang impeachment trial laban kay VP Sara, at sa Oktubre maibaba ang hatol.
“Kung ipapaubaya namin na sa 20th Congress Senate pa ang didinig sa impeachment complaint na yun, kaming mga senador ng 19th Congress would have reneged on our responsibility to do just that now,” aniya.
Giit ni Hontiveros, nakasaad sa Saligang Batas na tungkulin nilang magsagawa ng impeachment trial sa lalong madaling panahon.
Kinatigan din niya ang opinyon ng ilang abogado na mag-convene ang Senado bilang impeachment court kahit nakabakasyon ang Kongreso dahil ang naka-adjourn ay legislative work at hindi ang tungkulin nila bilang mga senator judge ng impeachment court.
“Pwede natin sabihin na dahil nag-adjourn yung regular sessions ng Senado, hindi ibig sabihin na hindi pwedeng umandar at ganapin ang aming tungkulin sa isang impeachment trial naman,” dagdag niya. (NINO ACLAN)
