TINATAYANG sa Hulyo 30 ng taong kasalukuyan magsisimula ang paglilitis ng impeachment court laban Vice President Sara Duterte.
Ito ang inamin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero matapos niyang maglabas ng memorandum at schedule of impeachment trial.
Ngunit aminado si Escudero na maaring mabago ito kung magkakaroon pa ng debateng mahaba ang mga senador sa kanilang bubuing rules na susunidin ng impeachment court sa kanilang pagbabalik sa Hunyo 2 ng taong kasalukuyan mula sa bakasyon o recess.
Kung masusunod ang inilatag na schedule ni Escudero sa pagbabalik nila sa Hunyo 2 ay kanilang tatalakayin ang rules at Hunyo 3 inaasahan na sila ay manunumpa bilang mga senator/judges.
Matapos nito ay magpapadala sila ng summons kay Duterte at kapag sumagot ang kampo ni Duterte ay pasasagutin naman ang prosecution.
Kailangan ay isang buwan na time frame simula sa pagbibigay ng summons kaya’t sa Hulyo magaganap ang paglilitis.
Sa pagbabalik sa Hulyo 29 ng mga senador ay kailangan namang manumpa ng ibang mga senador na hindi nakapag-oath noong 19th congress at matapos ang oath ng mga bagong nahalal na senador.
Sa panukala ni Escudero dapat na magsimula ang paglilitis simula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas dos ng hapaon.
At matapos nito’y ganap na alas-tres ng hapon ay gagampanan naman nila ang tungkulin bilang mga mambabatas.
Papahintulutan din ng Senado na magsagawa ng mga komite hearing habang may sesyon at sususpendehin lamang ang mga pagdinig kung kailangan ang presensya ng mga senador sa isang mahalagang usapin sa sala ng senado.
Binigyang-linaw pa ni Escudero na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang mga nakukuhang legal team dahil sa umatras ang kanilang naunang kausap dahil sa usapin ng sensitibong kaso na may kaugnayan sa politika.
Paglilinaw pa ng senate president, ang mga laman ng kalatas na kanyang ipinalabas ay pawang kanya nang nabanggit at sinulat upang maging pormal ang lahat.
Kaugnay nito pinaghahanda na rin ni Escudero ang ilang departamento sa senado kabilang na ang Senate Secretary na magiging clerk of court at ang Sgt. at Arms na magsisilbing tiga silbi ng mga summons.
Tiniyak din ni Escudero na nakahanda ang sSnado sa anumang gastusing kanilang gagamitin sa impeachment trial subalt agad niyang nilinaw na ito ay hindi malaki, sapat at tama lamang. (NINO ACLAN)