📷Senate President Chiz Escudero
WALANG puwedeng humalili sa Senate President bilang presiding officer sa isasagawang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kaya sa haba ng paglilitis ay maaaring maging “problema” ang pagtugon sa ‘tawag ng kalikasan,’ ayon kay Senate President Chiz Escudero.
“Ang problema nga kung magba-bathroom break ka, ire-recess mo ba o magpapakabit ka na lang ng catheter, hindi ko alam,” sabi ni Escudero sa panayam sa DZRH.
Aniya, walang nakalagay sa Saligang Batas o rules ng Senate na mayroong co-presiding officer.
Ayon din aniya sa ilang legal na eksperto, hindi maaaring magkaroon ng co-presiding officer na parang senate president na pro-tempore ang papalit dahil ito’y isang impeachment court.
Paliwanag ni Escudero, pinag-aaralan pa kung paano magkakaroon ng parang “recess” sa paaralan sa haba ng impeachment trial para matugunan ang tawag ng pangangailangan ng senator-judges.
“Kasi impeachment court ‘yan hindi naman senado. Pero pinag-aaralan pa nila kasi paano nga naman ‘yon limang oras, anim na oras imposible naman na hindi ka tawagin ng pangangailangan,” sabi ni Escudero.
“Parang elementary ulit ‘yan may recess,” dagdag niya.
Bank records ni VP Sara, malalantad sa impeachment trial
Kinompirma ni Senate President Chiz Escudero na kapag nag-convene na bilang impeachment court ang Senado, puwede nang hilingin ng prosecution ang mga ebidensya, pati ang bank records ni Duterte.
Matatandaan sa pagharap ni dating Sen. Antonio Trillanes sa House Quad Committee ay isiniwalat niya ang umano’y P2.4-B pera sa bangko ng pamilya Duterte, kabilang ang joint account nina VP Sara at dating Pangulong Rodrigo Duterte na aniya’y mula sa suspected druglords. (ZIA LUNA)