Sat. Apr 19th, 2025
Sen. Ronald "Bato"dela Rosa

đŸ“·Sen. Ronald “Bato” dela Rosa

 

NAKAHANDA ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa International Criminal Police Organization (Interpol) sa pagsisilbi ng mga arrest warrant laban sa mga kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ipinatupad na madugong drug war kapag inilabas na ito ng International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na bagama’t wala pa silang impormasyon hinggil sa usapin, tiniyak niya na may “template” na ang pambansang pulisya sa paghahain ng mga posibleng arrest warrants sa mga sangkot sa drug war.

“Unang una, ayaw nating pangunahan ang proseso. Although alam naman natin na maliban kay dating pangulo ay may mga kasama po siya doon sa mga nakasuhan. Pero tama po kayo, since nauna na nga itong naging pag-aresto sa dating pangulo, ay more or less may template na tayo,” sabi ni Fajardo sa panayam sa DZBB.

“Ibig sabihin, kung saka-sakaling may lalabas at hihingin po muli ng Interpol ang tulong ng PNP ay nakahanda po ang PNP na mag-provide ng assistance at i-implement po natin itong warrant na ito according sa ating umiiral na batas,” dagdag niya.

Kabilang sa mga binubusisi ng ICC sa may naging papel sa drug war ay sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at dating PNP chief, Oscar Albayalde at maaaring maglabas din ng arrest warrant laban sa kanila, ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti.

“Sa ngayon as we speak, ay wala tayong information at wala po tayong paunang information na meron na pong lumabas na warrant of arrest patungkol po sa iba pa po nating mga opisyales o indibidwal na kasama doon sa kaso sa ICC,” ani Fajardo.

Sa kanyang talumpati sa parayer rally para kay Duterte, binatikos ni Dela Rosa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naging pahayag na tumalima lamang ang kanyang administrasyon sa komitment nito bilang miyembro ng Interpol ang Pilipinas.

“Laging sinasabi ni President Marcos hindi namin ni-recognize ang ICC. Kasi di kami miyembro. Hindi kami nagco-coordinate sa ICC. Anong ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos? Interpol,” aniya.

“Hindi ‘yan nanggagaling sa competent authority. Hindi ‘yan nanggagaling sa local natin. Hindi ‘yan na-recognize natin dahil hindi tayo under sa kanila. Kaya dapat magkaisa tayo,” sabi ni Dela Rosa.

“Ako naging Chief PNP ako alam ko anong papel ng Interpol sa mundo. ‘Wag niyo kong lokohin. Commitment sa Interpol?” giit niya.

Sa kanyang pagharap sa Senado noong nakaraang taon, inamin ni Duterte na bahagi ng death squad si Dela Rosa.

“Yung isang senador diyan, si Senator Dela Rosa, death squad din ‘yan because they were police directors handling, controlling crimes in the city.

Kapag sinabi mong death squad, it’s a very loose term. Lahat ito, si Cuy, si Danao ayan o nagdadasal kasalanan niya siguro, ilan ba pinatay mo,” sabi ni Duterte. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *