SINIBAK sa puwesto ang dalawang pulis na nakatalaga sa Quezon City dahil sa umano’y pagiging sangkot sa kumakalat sa social media na video ng mga labi ni Ronaldo Valdez nang matagpuan na walang buhay sa kanyang silid.
Sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, batay sa pahayag ni Quezon City Police District (QCPD) chief Police Brigadier General Rederico Maranan, ang mga tinanggal na pulis ay ang unang nagresponde sa bahay ng namayapang actor at ang station commander.
“Kausap ko kanina si district director at ni-relieve na po niya ‘yung first responder at kaniyang station commander para tignan ang liability,” ani Fajardo sa press conference sa Camp Crame kanina.
Mahaharap sa mga kasong administratibo at criminal ang dalawang pulis.
“This is a regrettable incident na hindi dapat kumalat sa social media,” ayon kay Fajardo.
“Kung ito ay kuha ng ating first police responders for documentation purposes, wala po sanang naging problema,” aniya.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang QCPD sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) upang matukoy ang mga nag-share ng video sa social media at maaari rin silang masampahan ng mga kasong criminal.
“I don’t want to preempt the ongoing investigation but suffice it to say na nasabi ng district director ng QCPD na they are coordinating with ACG to identify kung sino ‘yung mga nag-share ng videong ito.”
Kaugnay nito, kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagkalat ng video at tinawag itong “a breach of privacy and basic human decency against the individual and his bereaved family.”
Kailangan aniyang repasuhin ang lahat ng police protocols sa pagsagawa ng emergency response and investigation.
“Police procedures including evidence collection should be meticulously recorded without violating the principles of trust, professionalism, and confidentiality that our law enforcers should uphold,” anang alkalde.
Parehong nanawagan ang PNP at si Belmonte sa publiko na huwag i-share ang video. (ZIA LUNA)