MAKIKITA na ng sambayanang Pilipino ang matinding open warfare ng kampo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marco Jr. at Vice President Sara Duterte sa susunod na taon.
“Tingin ko hindi lang unity ang nawala sa UniTeam. Ito ay open warfare na. Medyo colorful, intense, medyo masaya ‘yung ating Bagong Taon. Hindi lang magpuputukan ang fireworks, ang tingin ko after ng New Year ay makikita natin ‘yung open warfare,” sabi ni dating Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas sa The Big Story sa One News PH kahapon.
Kung tutuusin aniya ay sinimulan na ni VP Sara Duterte ang open warfare nang binanatan niya si Marcos Jr sa isyu ng isinusulong na peace talks ng administrasyon sa mga rebeldeng komunista.
“Sa kanyang “peace talks, a deal with the devil,” parang sinasabi ni Vice President Sara Duterte na medyo kaalyado na ng demonyo si President Bongbong Marcos dahil nakikipag-deal siya sa demonyo.Tingin ko ito ang start ng open warfare,” ani Llamas.
Dagdag pa aniya ang pag-amin ni dating presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na nakatago sa kanilang kampo na ang pagpasok ng mga kinatawan ng International Criminal Court (ICC) ay pinayagan na ni Marcos Jr.
“Tingin ko noon pa man ay ito ang magiging major confrontation early next year. In no sense this could be an existential issue between the two camps, Marcos and Duterte,” aniya.
Sa pagpasok aniya ng ICC sa Pilipinas at implementasyon ng international warrant of arrest laban sa mga akusado sa crimes against humanity bunsod ng madugong Duterte drug war sa second quarter ng 2024 ay magiging hudyat ng pagkawala ng political future ng mga Duterte kaya’t tiyak na lalabanan nila ito ng husto.
“Existential para sa Duterte dahil kung matuloy ang pagpasok at pag-implement ng international warrant ng ICC sometime next year, possibly sa second quarter ay mawawala na ang kanilang political future, madudurog na sila ng husto unless magma-migrate sila sa China. At dahil sila’y natulak na sa corner, ito’y delikado rin para sa Marcos government dahil hindi naman papahuli ng buhay ‘yung mga Duterte. Syempre sila ay lalaban to the max kaya medyo delikado rin para sa Marcoses,” paliwanag ni Llamas.
“Pero limited din ang mga options ng mga Duterte.‘Yung mga Dutertes, ang option nila ay limited na rin, hindi sila puwede mag-impeachment dahil hindi naman nila hawak ang Congress. Hindi sila puwede mag-kudeta o destabilization dahil sabi nga ni AFP Chief of Staff Brawner, hawak pa rin nila ang chain of command. Mahihirapan naman sila mag-people power dahil wala naman silang people sa NCR, baka sa Davao. So the options for the Dutertes are so very limited, nakasandal sila sa pader. At kung nakasandal sa pader ang mga Duterte, they can also be very dangerous,” dagdag niya.
Hindi naman aniya garantiya na kahit mataas pa rin ang popularidad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay makalulusot siya sa isyu ng ICC.
Inihalimbawa niya si dating Pangulong Joseph Estrada na mataas ang popularidad nang mapatalsik ng People Power 2 noong Enero 2001, nakulong at nahatulan din sa kasong plunder. (ROSE NOVENARIO)