NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa Korte Suprema na bigyang pansin ang inihaing petisyon ng mga transport group ukol sa Public Utility Vehicles (PUV) modernization program ng pamahalaan.
Naniniwala si Poe na ang magiging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay magiging basehan sa pagpapatupad ng PUVMP.
Aminado si Poe na magandang balita ang inihayag ng pamahalaan na extension para sa PUV consolidation ngunit dapat ay magkaroon ng pag-uusap ang transport group at ang pamahalaan para sa isang makataong modernization program.
Umaasa si Poe na sa panahong ito ay maayos ang mga route plans at makonsulta ang mga apektadong grupo.
“We all want a win-win situation that will improve the livelihood of our small drivers and operators and at the same time give our commuters a better ride,” ani Poe.
Kaugnay nito aminado ang mga commuters na sandaling maipatupad na ng pamahalaan ang PUVMP ay tiyak na maapektuhan ang kanilang paglalakbay lalo na sa oras ng pagpasok at pag-uwi sa trabaho.
Sa kasalukuyan hanggang hindi pa nababawasan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada ay nagiging madali pa para sa mga commuter ang makasakay papasok at pauwi sa trabaho. (NINO ACLAN)