MAGSISILBING barometro ng impluwensya ng mga Duterte kontra sa administrasyong Marcos Jr. ang ikinakasang Charter change (Cha-Cha) o pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa umpisa pa lang ng ‘laban’ ay napakalma na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang umaalmang Senado nang ibigay sa kanila ang mahalagang papel na repasuhin ang partikular na economic provisions na planong amyendahan sa 1987 Constitution.
Nauna rito ay ang pagbigay ng go signal ni Speaker Martin Romualdez sa inilalargang signature campaign ng grupong PIRMA para sa people’s initiative tungo sa constituent assembly para isagawa ang Cha-cha.
Alam ng lahat na ang tunay na motibo sa pagpipilit ng Cha-cha ng administrasyon ay hindi usapin lamang ng ekonomiya kundi political survival ng Marcos-Romualdez at para tuluyang matuldukan ang political career ng mga Duterte.
Kapag lumusot ang Cha-cha ay mababago ang uri ng gobyerno ng Pilipinas at magiging parliamentary na, ibig sabihin, ang leader ng pamahalaan ay hindi na pipiliin sa pamamagitan ng general o national elections.
Ang mga miyembro ng parliament o district representatives ang boboto mula sa kanilang hanay, kung sino ang prime minister o presidente ng bansa.
Malaking banta ito para sa mga Duterte lalo na’t ang may hawak ng Kongreso ay si Romualdez kaya’t malabong maluklok sa Malakanyang si Vice President Sara Duterte klahit magbitiw siya bilang pangalawang pangulo at kumandidato bilang kongresista ng Davao City.
Mabibilang na rin lang kasi sa mga daliri ang kanilang mga kaalyado sa Mababang Kapulungan.
Nakita rin nila kung gaano nagkaisa ang Kongreso para tanggalin ang confidential at intelligence funds ni VP Sara matapos ibulgar na inubos niya ang P125-M sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
Hindi rin nakasisiguro na maisasalba ng China ang political career ng mga Duterte kahit malaki ang naging pakinabang ng Beijing sa anim na taon nila sa Palasyo.
Wala na rin silang propaganda arm sa mainstream media sa napipintong pagkansela ng prangkisa ng SMNI at inaasahang extradition sa US ng may-ari nitong si Apolo Quiboloy.
Ang pinakamatinding sakit ng ulo ng dating Pangulo at kanyang mga alipores ay ang nakaambang paglabas ng international warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanila sa kasong crimes against humanity kaugnay sa ipinatupad nilang madugong drug war.
Sa gitna ng mga naturang senaryo, maaaaring may alas pa ring hawak ang mga Duterte, ito ay ang Korte Suprema dahil 13 sa 15 mahistrado ay ang dating pangulo ang nagtalaga.
Bukod dito ay may dalawang naging desisyon ang Supreme Court na nagsabing hindi sapat ang probisyon sa Republic Act No. 6735 o An Act Providing for a System of Initiative and Referendum para amyendahan ang Saligang Bata sa pamamagitan ng people’s initiative.
Kahit ratsadahin ng administrasyon ay kapos ang paghahanda sa Cha-cha na mahigit walong buwan na lamang bago ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga lalahok sa 2025 midterm elections lalo na’t kung aabot sa Korte Suprema ang usapin.
Wala tayong nasisilip na pag-asa na umangat ang kabuhayan ng masa na laging naiipit sa nag-uumpugang interes ng mga politiko, mga negosyante at mga dayuhan.