Ampao, kulang, halos wala, tunog lata.
Ganito inilarawan ni House Prosecution Spokesperson at Kabataan Rep. Renee Co ang isinumite ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa pre-trial brief ng impeachment trial laban sa bise presidente
Mistulang kinopya lamang aniya ng ng defense team sa prosecution team ang nilistang testigo at documentary evidence na nagpapakita na wala umanong intensyon ang kampo ni VP Sara na magharap ng ibang witnesses at ebidensya upang pasinungalingan ang mga alegasyon laban sa kanya.
“Nakita po natin sa pre-trial brief, yung mga nilista nilang witness, nilista nilang mga documentary evidences, na gustong i-present, halos mirror ng mga gustong i-present ng prosecution,” sabi ni Co sa programang Sa Totoo Lang sa One News.
“Nakikita po natin na wala pong intention na mag-introduce ng ibang witnesses, or iba kayang evidence na magsasabi na hindi totoo yung nasa alegasyon. Dahil ang tingin natin, either wala po talagang sagot or ayaw talagang sagutin,” dagdag niya.
Inihalimbawa niya ang isyu hinggil sa firearms na nakarehistro sa pangalan ni VP Sara ngunit hindi nakadeklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at walang sinabi ang kampo ng bise presidente ukol dito
“Yung nakalagay po sa pre-trial brief ni VP Sara, lahat po sila ay pare pareho: to rebut the articles of impeachment or to disprove yung mga articles na yun,” lahad ni Co.
“So sa atin, hindi po nagpapakita ng kahit counter doon sa mga nakalagay sa articles of impeachment,” wika niya. # (ROSE NOVENARIO)