Binatikos ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union ang umano’y “double standard” sa pagtugon sa mga banta laban sa pambansang lider, matapos ihambing ang pag-aresto sa isang guro noong 2020 sa kontrobersyal na pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte.
Tinukoy ni Ortega ang kaso ni Ronnel Mas, guro na inaresto matapos mag-post sa Twitter ng umano’y ₱50 milyong alok para sa sinumang papatay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Humingi ng paumanhin si Mas at sinabing biro lamang ang naturang post.
Sa kabilang banda, binanggit ni Ortega ang kamakailang pahayag ni Duterte na may inutusan siyang tao na patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez kung siya mismo ay mapatay.
“Kung ordinaryong teacher, hinuli dahil nag-offer ng ₱50 million sa isang post para ipapatay ang Pangulo. Pero kapag Vice President ang nagsabing may kinausap siya na papatay sa Pangulo, First Lady at Speaker kung may mangyari sa kanya, biglang free speech lang?” ani Ortega.
Binigyang-diin niya na dapat pantay ang pananagutan:
“Hindi puwedeng magkaiba ang sukatan o standards kapag makapangyarihan na ang nagsasalita.”
Ayon kay Ortega, mas mabigat ang pahayag ng Bise Presidente dahil ito ay mula sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na maaaring humalili sa Pangulo anumang oras.
Iginiit niya na dapat itong masuri sa pamamagitan ng impeachment process, at hindi basta ituring na retorikang pampulitika.
“Ang pagbabanta ay hindi opinyon. Ang mas mahalagang tanong ay: karapat-dapat pa ba siyang humawak ng pangalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan kung ganito ang kanyang pag-uugali?”
Babala ni Ortega, hindi dapat magkaroon ng hustisyang mabilis kumilos laban sa ordinaryong mamamayan ngunit nag-aatubili kapag makapangyarihang opisyal ang sangkot. # (RRN)