Ibinoluntaryo ni Sen. Rodante Marcoleta ang impormasyon na tumanggap siya ng P75 milyon donasyon para sa 2025 midterm elections na hindi tumugma sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Ito ang ugat ng kinakaharap na kasong plunder ng senador, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
“First of all, it was Senator Marcoleta who admitted everything about the 75 million pesos that he received from the three donors. Walang nagbigay sa kaniya ng utos na i-explain mo ito, nagkataon lang po na iyong kaniyang SALN at SOCE ay hindi nagtugma,” aniya sa Palace press briefing.
Nilinaw ni Castro na walang selective justice na ipinatutupad ang administrasyong Marcos Jr. dahil kahit mga kaalyado ay pinapanagot.
“Sa ngayon ay wala pong selective justice na namamayani sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. Kaya nga po kahit na kaibigan, kaalyado, nauna pa po na nakulong, na-detain at ngayon ay humaharap sa kaso ng plunder at graft case,” sabi niya.
Iginiit ni Castro na hindi naman nag-iisa si Marcoleta na naghahangad na mabunyag ang katotohanan hinggil sa anomalya sa flood control projects at ang mismong administrasyon aniya ay nais mapanagot ang lahat ng sangkot.
“Kung patungkol po na dahil hindi na niya maipapalabas ang katotohanan tungkol sa flood control mess, hindi po siya nag-iisa dahil ang administrasyon na ito ay gusto po ring malaman ang lahat ng katotohanan at gustong mapanagot ang lahat ng sangkot,” wika niya.# (ROSE NOVENARIO)