Mon. Sep 21st, 2026

Walang saysay na propaganda na nagkukubli sa kahirapan at pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino ang reclassification ng World Bank sa Pilipinas bilang upper-middle-income nation, ayon kay ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio.

Binigyang-diin ni Tinio na habang ipinagmamalaki ng administrasyong Marcos Jr. ang GNI per capita na $4,850, ang karaniwang manggagawa ay kumikita lamang ng ₱510 kada araw—mas mababa pa sa kalahati ng ₱1,312 na living wage.

“Anong uri ng economic progress ito kung ang mga taong gumagawa ng yaman ay hindi makakain ng maayos?” aniya.

Tinukoy niya ang hindi gumagalaw na sahod sa kabila ng ulat na 5.8 porsyentong paglago ng ekonomiya kada taon sa nakalipas na limang taon.

“Saan napunta ang yaman na ito? Sa bulsa ng mga kapitalista at sa mga kurakot ba?” dagdag pa ni Tinio, na binigyang-diin na ang klasipikasyon ng World Bank ay sumusukat lamang sa kabuuang kita ng bansa, hindi sa distribusyon nito.

Kinondena rin ng mambabatas ang pagdiriwang ng gobyerno sa reclassification kahit mismong mga opisyal nito ang umaamin na “income disparities persist.” Tinawag niya itong pangungutya sa mga manggagawang patuloy na naghihirap.

Muling iginiit ni Tinio ang panawagan ng ACT Teachers para sa pagpasa ng House Bill No. 202—ang ₱1,200 Living Wage Bill—bilang tanging makabuluhang tugon sa kalagayan ng mga manggagawa.

“Walang halaga ang ‘upper-middle income’ status kung ang ordinaryong Pilipino ay hindi makakabili ng pagkain at damit,” aniya. “Ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay kung kailan ang bawat Pilipino ay may dignidad, seguridad sa trabaho at sapat na kita para sa kanilang pamilya.” # (ROSE NOVENARIO)

By admin