Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas magiging “maliwanag at madali” ang proseso kung personal na haharap si Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa Senado para sa impeachment trial, sa halip na umasa lamang sa mga abogado.
Binigyang-diin ni Marcos na sariling pananaw lamang ito at hindi legal na payo: “Kung diretsong makapagsagot, ‘di syempre mas magiging maliwanag ang proseso, mas magiging madali ang proseso. But that’s just my own opinion.”
Dagdag pa niya, kung siya ang nasa parehong sitwasyon, pipiliin niyang humarap kahit tutol ang mga abogado: “I would almost insist over the advice of lawyers.”
Inatasan ng impeachment court si Duterte na dumalo sa pagdinig sa Hulyo 6, personal man o sa pamamagitan ng counsel.
Ayon sa depensa, maaari siyang humarap kung kinakailangan at irerekomenda ng kanilang legal team.
Kinasasangkutan si Duterte ng mga akusasyon sa maling paggamit ng confidential funds, kahina-hinalang yaman, suhol, at grave threats ,mga paratang na mariin niyang itinanggi at tinawag na “fishing expedition” ang imbestigasyon ng Kamara. # (ROSE NOVENARIO)