Thu. Nov 5th, 2026

Kombinsido ang Malacañang na sapat na ang mga ebidensyang naiprisinta ng prosecution panel para i-convict si Vice President Sara Duterte sa umano’y pagwawaldas ng  confidential funds, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.

Inihayag ito ni Castro kasunod ng pag-amin ni dating Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer Gina Acosta sa impeachment trial na kalakaran na ni VP Sara na ipagkatiwala ang confidential funds sa isang security officer kahit noong siya’y mayor pa ng Davao City.

“Ayon sa Palasyo, in a way, in a way, yes. Pagdating sa pagturo kay Bise Presidente, kay Col. [Raymund Dante] Lachica na sila ang nag-control ng pondo para sa confidential funds,” tugon ni  Castro kung naniniwala siyang nakapagharap na ng sapat na ebidensya para mahatulang guilty si VP Sara  sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Nilinaw niya na nasa kamay pa rin ng senator-judges ang pagpapasya.

“Depende po iyan sa magiging desisyon ng mga judges. Lagi naman nilang sinasabi na ito ay pulitika at mukhang hindi sila pupunta sa ebidensiya,” aniya.

“Pero ang mga kababayan natin, mas marami ang gusto na ebidensiya ang gamitin kaysa sa isyu ng pulitika. Kasi kapag ebidensiya ang ginamit natin, mas matutugunan natin, unang-una, ang due process, justice, at kung ano ang nararapat at magiging benepisyo nito sa ating bansa at sa taumbayan,”  dagdag niya.

Pinuna ni Castro ang aniya’y “de-kahon” na mga sagot ni Acosta sa paglilitis.

“Dito ay makikita ng sambayanang Pilipino kung paano naging dekahon ang sagot ng witness [Acosta]. Paulit-ulit kahit sa ang daling tanong, doon pa rin at doon at doon ang iikot ang sagot niya,” sabi ni Castro.

“‘Pag hindi na niya alam, sasabihin niya hindi naiintindihan or hindi niya alam. Pero lumalabas pa rin ang totoo, dahil itinuro niya pa rin si VP Sara at saka si Colonel Lachica,” giit niya. # (RRN)

By admin