Ang isang public official na nag-uudyok sa ibang tao na gumawa ng perjury ay maaaring ituring na principal sa paggawa ng krimen sa ilalim ng conspiracy theory, at dahil dito ay maaaring sumailalim sa perpetual absolute disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.
Binanggit ni Lacson ang Article 8 ng Revised Penal Code, na nagsasaad na may conspiracy kapag dalawa o higit pang tao ang nagkasundo sa paggawa ng isang felony at magpasiyang isagawa ito.
“SUBORNATION OF PERJURY: a public official who induces another person to commit perjury may be treated as a principal under the conspiracy theory (Art 8 RPC) in the commission of the crime and shall also suffer an accessory penalty of perpetual absolute disqualification,” aniya sa isang post sa X.
Sa ilalim ng Article 8 ng RPC na tumatalakay sa conspiracy at proposal to commit a felony, ang conspiracy ay kinabibilangan ng dalawa o higit pang taong nagkakasundo na gumawa ng krimen, habang may proposal kapag ang isang taong nagpasya nang gumawa ng felony ay nagmumungkahi ng pagsasagawa nito sa isa o higit pang tao.
Sa ilalim naman ng Article 17 ng RPC, kabilang sa itinuturing na principal ang “those who directly force or induce others to commit it.”
Ang perjury ay felony at public offense, kung saan ang parusa ay “prision mayor in its minimum period” sa ilalim ng Article 183 ng RPC, na inamyendahan ng Republic Act 11594.
Inilalarawan ng Article 25 ng RPC ang “perpetual or temporary absolute disqualification” bilang isang afflictive penalty at itinatakda na ang mga afflictive penalty ay ipinapataw sa mga principal.
Noong Sabado, sinabi ni Lacson na maaaring maharap sa reklamo para sa subornation of perjury sina nakadeteng Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Michael Defensor kaugnay ng “coached” na testimonya ni ex-Marine Orly Guteza.
Binanggit ni Lacson ang mga rekord ng Blue Ribbon Committee na nagpapakitang pinapangunahan ni Marcoleta si Guteza kung ano ang dapat nitong sabihin sa affidavit nito sa pagdinig ng panel noong Setyembre 2025.
Si Guteza, na binawi ang kanyang unang pahayag, ay nagsabi na hinikayat siya nina Marcoleta at Defensor na tumestigo kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Sinabi ni Lacson na maaaring kabilang sa mga maaaring magsampa ng reklamo ang prejudiced party — o ang Department of Justice at Office of the Ombudsman, dahil public crime ang perjury. #