Mistulang tinuldukan na ni Senator-judge Tito Sotto ang isyu ng paggamit ng alias para bigyan katwiran ang paggamit ng confidential funds sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Bago magsimula ang ika-20 araw ng impeachment trial ay ipinaalala ni Sotto ang naudlot na pagpapaliwanag ni private prosecutor Mae Divinagracia sa Republic Act 6085 noong nakaraang linggo hingill sa paggamit ng alias nang tanungin siya ni Senator-judge Robin Padilla kung alam ba niyang ang mga bayani ay gumamit ng alias.
Paliwanag ni Sotto na batay sa RA 6085, pinahihintulutan ang paggamit ng alias bilang pseudonym o stage names para sa pelikula, TV, radio, libro at sining.
Ngunit kung ang alias ay walang totoong tao sa likod nito, peke ito, giit ni Sotto.
“If there is a person behind the alias, then it is an alias. If there is no person behind the name, it is a fictitious name or a fake name,” sabi ni Sotto sa isang manifestation.
“For the public and for us, the general rule that she (Divinagracia) mentioned is Republic Act No. 6085, regulating the use of aliases, which only allowed in the Philippines [the use of] pseudonyms, solely for literary, cinema, television and other entertainment purposes,” dagdag niya.
Tinalakay sa impeachment trial hinggil sa umano’y pagwawaldas ng confidential funds ni VP Sara ang acknowledgement receipts na nilagdaan ng ilang taong kaduda-duda ang mga pangalan, na ayon kay dating OVP disbursing officer Gina Acosta ay pianiniwalaan niyang mga alias.# (ROSE NOVENARIO)