Thu. Nov 21st, 2024
First Lady Liza Araneta Marcos

KUMARIPAS ng takbo si First Lady Liza Araneta-Marcos kagabi para iwasan ang paulit-ulit na tanong sa kanya ng media sa estado ng kanilang relasyon ni Vice President Sara Duterte.

Sa ulat ng programang Frontline Tonight sa TV5 kagabi, ipinakita ang una’y pag-iwas ng Unang Ginang sa ambush interview sa kanya sa isang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Chinese Embassy.

Hindi umimik at nanatiling nakangiti si Araneta-Marcos sa tanong ng isang reporter, “Just a quick reaction, nagkausap na ba kayo ni VP Sara?” hanggang makapasok siya sa loob.

Napansin na wala umanong reaksyon si Araneta-Marcos habang ipinalalabas ang video message ng Bise-Presidente  sa pagtitipon.

Pero matapos ang okasyon at habang palabas na ng Unang Ginang ay sinalubong pa rin siya ng mga tanong ng media hinggil sa Bise-Presidente, dito na siya tumakbo para tuluyang makaiwas na sa mga mamamahayag na nagulat sa kanyang inasta at hindi na nakasunod.

Wala pang pahayag ang Malacanang kaugnay sa naturang insidente.

Matatandaan noong Lunes ay hayagan ang pang-iisnab ni Araneta-Marcos kay VP Sara sa send-off ceremony sa Villamor Air Base nang papunta sila sa 2-araw na pagbisita sa Vietnam.

Noong Linggo ay tinawag na drug addict ni dating Presidente Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Buwelta naman ni Marcos Jr. bago lumipad patungong Vietnam, posibleng epekto ng pain killer na Fentanyl ang pag-iisip ni Duterte kaya kung anu-ano ang pinagsasabi.

Inamin ng dating tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Harry Roque na isa sa dahilan ng  pagwawala ng pamilya Duterte ay bunsod ng pahayag nu Justice Secretary Jesu Crispin Remulla na ang kanyang kagawaran ay bukas sa pakikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) batay sa House Resolution 1477.

“Frankly, one reason why the Duterte family is raising hell is because of a statement from Justice Secretary Boying Remulla that his department is open for cooperation with the Court based on House Resolution 1477. The Speaker, who happens to be Boying’s fraternity brother, is reportedly behind this,” ani Roque sa kanyang pitak sa Philippine Star.

Ang mag-amang Duterte, sina Sens. Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go ay nahaharap sa kasong crimes against humanity sa ICC kaugnay sa madugong drug war na ikinamatay ng libu-libong katao.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *